Inirekomenda ni outgoing President Rodrigo Duterte sa susunod na administrasyon na susugan na ang Saligang Batas at buwagin ang party-list system.

Sa kaniyang Talk to the People na ipinalabas nitong Huwebes, sinabi ni Duterte na dapat simulan kaagad ng susunod na pangulo ang Charter change (Cha-cha) para hindi paghinalaan ng mga tao na tungkol sa pagpapalawig ng termino ang pakay ng kanilang gagawin.

“Kung sino ang mag-presidente ngayon na papasok, it could be as good as any other time to initiate whether to convert Congress into a constituent body or magtawag ng [call for] constitutional convention but it is very expensive to do,” sabi ni Duterte na bababa sa puwesto sa katapusan ng Hunyo.

Sa ilalim ng kaniyang administrasyon, tinangka ni Duterte na isulong ang pagpapalit sa sistema ng pamahalaan na gawing federal system mula sa kasalukuyang presidential system.

Layunin umano ng naturang pagpapalit na mabalanse ang kapangyarihan at yaman ng bansa sa lahat ng rehiyon.

Samantala, sinabi rin ni Duterte na dapat alisin na ang party-list system dahil naabuso ito ng mga "kaliwa," at nagagamit para labanan ang gobyerno.

“Although there are a very few, but still they participate in the government that they wish to destroy. ‘Yan ang nakakatawa diyan. Pumapasok sila sa gobyerno, they participate in the governance process, and yet what they really want is to destroy that government at palitan nila ng kanila," paliwanag niya.

Sa pahayag ni Duterte noong Marso, tinukoy niya ang umano'y mga “legal front" ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang mga grupong Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, ACT Teachers at Gabriela.

Binatikos ito ni Bayan Muna party-list Representative Carlos Zarate, at sinabing estratihiya umano ito ni Duterte sa eleksiyon laban sa oposisyon.—FRJ, GMA News