Nagtamo ng saksak at bugbog ang isang 13-anyos na binatilyo na may susunduin lang sa paaralan matapos siyang makursunadahan at gulpihin ng isang grupo ng kabataan sa Quezon City. Ang dalawang naaresto, parehong menor de edad.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing isinugod sa ospital ang biktima dahil sa tinamo nitong saksak at pinalo rin umano ng baseball bat.

Nangyari ang insidente sa labas ng Judge Luna High School sa Barangay Bungad, Quezon City, kung saan may susunduin lang umano ang biktima.

“Kapag baba ko po ng tricycle bigla nila akong binanatan… nakursunadahan lang po,” ayon sa biktima na walang makitang posibleng dahilan para pagtangkaan ng mga salarin ang buhay niya.

Dalawang suspek na edad 13 at 15 ang naaresto ng mga pulis. Positibo raw na kinilala ng biktima ang dalawa na kabilang sa umatake sa kaniya.

“Nung tinuro sila ng victim, na-identify sila. Sila ‘yung mga kasama sa mga nambugbog,” ayon kay Masambong Police Station commander Police Lieutenant Colonel Imelda Reyes.

Pero itinanggi ng dalawang suspek na kasama sila sa nanakit sa biktima.

“Nung nagkahabulan po tiningnan ko lang po ‘yun tapos nadamay na po ako,” giit ng isang suspek.

Pinaghahanap pa ng mga pulis ang lalaki na nakuhanan sa CCTV camera na tila may dalang patalim. Gayundin ang lalaking pumalo ng baseball bat sa biktima.

“Ang nanaksak ay na-identify but at large. Mayroon din nag-baseball bat sa kanya at ‘yun ang hindi na-identify dahil at large din,” ani Reyes. —FRJ, GMA News