May tinitingnan nang person of interest ang mga imbestigador ng pulisya sa pagpaslang noong ika-3 ng Oktubre kay radio broadcaster Pervical Mabasa o mas kilala sa tawag na Percy Lapid, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Biyernes.

Sinabi ni NCRPO chief Police Brigadier General Jonnel Estomo na ang naturang person of interest ay nahagip ng mga CCTV camera na nadaanan ni Lapid bago siya barilin at mapatay.

"The Special Investigation Task Force Percy Lapid, with their ongoing follow-up investigation, confirmed to have developed a person of interest in the case as a result of their collection of all available backtrack CCTV footage along the victim's routes before the incident happened," pahayag ni Estomo.

Inilahad din ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, sa naturang briefing, ang enlarged na kopya ng printout ng nakuhang larawan ng person of interest, na inaalam pa ang pagkakilanlan.

"Importanteng ma-identify natin ang taong ito," pahayag ni Abalos.

Samantala, inanunsyo din ni Estomo na lomobo na rin mula sa P500,000 tungo sa P1.5 milyon ang pabuya para sa impormanteng makapagbigay ng impormasyon para sa ikadarakip ng gunman.

"Our very own SILG (Secretary of the Interior and Local Government) said that we are offering this reward to anyone who can provide information that will lead to the speedy resolution of this case," ayon kay Estomo, na nagsabi ring nagbigay ng paunang P500,000 reward mula sa kanyang sariling bulsa si Secretary Abalos.

Sinabi rin ni Estomo na ginagarantiyahan ng mga pulis ang kaligtasan ng impormante.

Kampante naman si Sec. Abalos na makikilala kaagad ang person of interest dahil sa reward money at mga karagdagang mga kuha ng CCTV.

"Marami nang nakakaalam sa iyo, marami nang magsusumbong. Siguro sumuko ka na. Napakaimportante na sumuko ka na sapagkat pag-isipan mo, 'yung mga nag-utos sa 'yo baka may masamang gawin sa 'yo," phayag ni Abalos.

Radio host si Lapid sa programang "Percy Lapid Fire" ng DWBL 1242 at kolumnista ng tabloid na Hataw.

Matatandaang binaril at napatay siya ng dalawang kalalakihan habang papauwi sa kanyang bahay sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City noong gabi ng ika-3 ng Oktubre, 2022.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na "President Marcos is concerned" sa pagpaslang sa mamamahayag. —LBG, GMA News