Patay ang isang lalaki na nagtamo ng malaking sugat sa ulo at paa at iba pang bahagi ng katawan matapos siyang mahagip ng tren ng Philippine National Railways (PNR) nitong Miyerkoles sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Manny Vargas ng Super Radyo dzBB, sinabing nangyari ang insidente sa may bahagi ng Batangas Street, Brgy. 221.

Ayon sa ilang saksi, nahagip ng isang southbound train ng PNR ang biktima bandang 11 a.m.

Nakita ang wallet ng lalaki kaya natukoy siya ng kaniyang mga kaanak na kinilalang si Julius Sarmiento, 47-anyos ng Velasquez, Tondo.

Kinumpirma ng kaniyang kapatid at bayaw ang kaniyang pagkakakilanlan.

Sinabi ng nakababatang kapatid ng biktima na meron itong kaunting problema sa pag-iisip dahil sa paggamit umano ng droga, na kaniyang nakausap kaninang umaga. —LBG, GMA Integrated News