Sa bilangguan na magdiriwang ng Valentine’s Day ang isang magkasintahan matapos silang mahulihan ng hinihinalang shabu na nasa P680,000 ang halaga sa Intramuros, Maynila.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang mga suspek na sina Aldwin Dela Cruz at Monica Orlanda. Sila ay nadakip sa isang buy-bust operation kasama ang dalawa pa nilang kasamahan.

Kalalabas lamang ni Dela Cruz mula sa kulungan matapos ang tatlong taon dahil din sa droga.

“Nakalaya po ako ng November, mga January na po ako nag-ano ulit, may nag-alok sa akin, sa hirap nga po ng buhay,” sabi ni Dela Cruz.

Ngunit ikinalungkot ni Dela Cruz na maging ang kaniyang kasintahan ay nadawit.

“Wala naman po siyang alam sa ganito eh, ako lang ho ang may alam sa ganiyan,” sabi ni Dela Cruz.

Kaya naman hindi na natuloy ang date sana nila sa Araw ng mga Puso.

Sinasabihan naman ni Orlanda ang kaniyang nobyo na tumigil na sa bisyo.

“Nakakaiyak sir, ganito ang sinapit namin,” sabi ni Orlando. —Jamil Santos/VAL, GMA Integrated News