Dalawang vape shop na naglalagay ng mga flavor gaya ng turon, honey butter at frozen margarita sa kanilang mga produkto ang ipinasara ng Department of Trade and Industry at lokal na pamahalaan ng Valenzuela.
 
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ipinagbabawal sa batas ang vaporized nicotine o vape flavors.
 
“Bawal na bawal ‘yon kasi ‘pag nilagyan mo ng flavor description, siyempre maa-attract ‘yung mga bata at gusto nilang i-try. ‘Yung packaging nakita niyo naman ‘yung cartoon characters, anime, kung anu-anong colors na nakalagay doon sa packaging bawal po,” sabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo.
 
Bukod dito, kulang din sa business permit at iba pang dokumento ang mga vape shop, kaya kinandado at pinagbawalang mag-operate ng DTI at lokal na pamahalaan ng Valenzuela.
 
Hindi rin naaayon ang pwesto ng mga vape shop, dahil malapit ang mga ito sa paaralan.
 
“Much worse kasi tapat lang po ng university namin ‘yan. One hundred meters po ang distance between the establishment and universities, churches, parks and government centers. Violation kaagad,” sabi ni Mayor Wes Gatchalian.
 
Wala sa vape shop ang may-ari nito nang magsagawa ng inspeksiyon ang mga awtoridad at ayaw ding magsalita ang empleyado na naroon.
 
Posible silang magmulta ng hanggang P5 milyon, depende sa violation at kung ilang ulit na ang paglabag.
 
Paliwanag ni Dr. Via Jucille Roderos, may mga kemikal ang vape na maaaring makasira sa baga at makaapekto kalaunan sa iba pang parte ng katawan at magresulta sa sakit gaya ng altapresyon at iba pang sakit sa puso. —VBL, GMA Integrated News