Arestado sa Quezon City ang lalaking gumahasa umano sa menor de edad na nakilala niya online.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes na agad na pinosasan ng mga tauhan ng Quezpn City Police District Station 11 (QCPD-11) ang lalaking suspek umano sa panggagahasa.
Kinilala ang 39-anyos na suspek na si Manly Absalon, Nailigtas ng mga pulis ang 13-anyos na biktima.
Nagkakilala lamang daw sa social media ang dalawa.
Ayon kay Police Lt. Joseph Canlas, Investigation Detective Management Unit Chief ng QCPD Station 11, "Itong si suspek ay inaya ang biktima na kumain sa labas. After kumain sa labas, sumakay sila ng tricycle. Dun nagsimula ang panghihipo ni suspek kay victim. Sa takot, hindi na nakasigaw ang biktima."
"After that, dinala si victim sa isang motel, at doon na nangyari ang panggagahasa," dagdag ni Canlas.
Ayon sa pulisya, nang makakuha ng tiyempo, nakapagpadala ang biktima ng mensahe sa kanyang tiyuhin upang humingi ng tulong.
Agad na gumawa ng followup operation ang mga pulis at dun na nahuli ang suspek.
Pahayag ng suspek, dalawang linggo pa lang daw silang magkakilala ng biktima, pero hindi raw niya ito pinilit na sumama sa kanya.
Iginiit niyang girlfriend niya ang biktima at nagpakilala ito na 18-anyos na, at sinabing naglayas siya sa pamilya niya at ayaw na niyang umuwi.
Hindi pa nakunan ng pahayag ang pamilya ng biktima.
Mahaharap ang suspek sa relamong paglabag sa R.A. 11648 o ang batas na nagsusulong ng maspinalakas na proteksyon laban sa panggagahasa, sexual exploitation at abuse.
Sinampahan din siya ng reklamong paglabag sa Anti-Child Abuse Law. —LBG, GMA Integrated News