Pumanaw na ang isang Grade 5 pupil na isinugod sa ospital matapos mahilo at mawalan ng balanse makaraang sampalin umano ng kaniyang guro sa Antipolo, Rizal.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing binawian ng buhay kaninang umaga ang 14-anyos na biktimang si Francis Jay Gumikib, 11 araw makaraang siyang dalhin sa ospital.

Ayon kay Elena Minggoy, ina ng biktima, nakaramdam umano ng pananakit sa taenga si Francis matapos sampalin ng guro. Nasundan ito ng pagkawala ng balanse, at nagsuka kaya dinala sa ospital.

ADVERTISEMENT

Batay umano sa rekord ng ospital, nagkaroon ng pagdurugo sa utak ng bata at kinalaunan ay binawian ng buhay.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente, at hinihintay naman ng Department of Education ang isusumiteng report ng principal ng paaralan.

Pupuntahan naman daw ng DepEd Superintendent ang paaralan.

Umaapela ang pamilya ng biktima kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na mabigyan sana ng katarungan ang sinapit ni Francis.

Problemado rin ng pamilya sa malaking gastusin sa ospital at burol ni Francis.-- FRJ, GMA Integrated News