Itinalaga ng Palasyo bilang bagong executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) si Jose "Joe" Torres Jr., na dating pinuno ng Philippine Information Agency (PIA).

Inanunsiyo ito ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez ngayong Huwebes.

Pinalitan ni Torres sa puwesto bilang pinuno ng PTFoMS-- na may ranggong undersecretary--si Paul Gutierrez, na nagtapos ang termino noong Setyembre.

Si Torres ay nagsilbing dating editor-in-chief ng GMA News Online. Pinalitan siya ni dating Tourism Undersecretary at People's Television Network Inc. general manager Katherine Chloe de Castro bilang pinuno ng PIA noong Oktubre.

Sa pamamagitan ng Administrative Order No. 1, itinatag noong October 2016 sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang PTFoMS, na ang tungkulin ay protektahan ang buhay, kalayaan, at seguridad ng mga manggagawa sa media.

Sa isang ulat na inilabas ng United States State Department tungkol sa usapin ng human rights, isinaad na patuloy na nakararanas ang mga Pinoy journalists ng harassment, threats, at violence. Nitong Abril, kinontra noo'y hepe ng PTFoMS na si Gutierrez ang naturang ulat.—mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News