Timbog ang isang 22-anyos na tattoo artist dahil sa panggagahasa umano sa kaniyang 16-anyos na kliyente noong 2022 sa Valenzuela City. Ang biktima, nabuntis, ayon sa pulisya.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing isinilbi ng Valenzuela City Police ang warrant of arrest sa Barangay Marulas laban sa suspek, na ikatlo sa most wanted persons list ng pulisya.

Matapos ang krimen, nagtago ang suspek at nagpalipat-lipat ng iba't ibang lugar sa Valenzuela City at Quezon City.

Nangyari umano ang insidente noong Agosto 2022 ngunit Hunyo 2023 lamang nang makapagsampa ng kaso ang biktima laban sa suspek at isa pang kasamahan nito.

Sinabi ni Valenzuela City Police chief Police Colonel Nixon Cayaban na regular na kliyente ng suspek ang biktima.

“Itong biktima isa sa mga customers niya lagi. So after that siguro nagkaroon ng hindi inaasahang kuwan, parang 'yun nga, na-rape. At sabi parang gang rape pa. So nag-push through maisampa ang kaso,” sabi ni Cayaban.

“Itong accused naman siguro, hindi niya inaasahan at nabuntis pa itong biktima,” dagdag ni Cayaban.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek, na itinanggi ang paratang sa kaniya.

“Hindi ko po ginawa 'yun. Mahirap pong magsabi. Dalawa po kaming sinampahan,” anang suspek.

Nauna nang dinakip ng pulisya ang isa pang lalaki na kapwa akusado ng tattoo artist. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News