Sapul sa CCTV ang pambibiktima ng riding in tandem sa apat na lalaki, kung saan natangay nila ang aabot sa P150,000 halaga ng mga alahas sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ang pagtakbo ng tatlong lalaki sa S. Delos Santos Street Biyernes ng madaling araw, na nabiktima na pala ng riding in tandem.

Ayon sa dalawa sa apat na biktima, nakatambay lang sila sa tapat ng bahay nila nang dumaan ang apat na lalaki sakay ng dalawang motorsiklo. Makaraan ang ilang minuto, bumalik ang dalawang suspek na naglalakad na at nagmula sa isang eskinita.

Dito na sila naglabas ng baril at nagdeklara ng holdap.

“Kinuha ‘yung wallet niya. Noong walang nakitang laman sa kaniya, 'yung isang nakaitim na malaking lalaki, kumasa ng baril tapos tinutok sa sintido niya. Doon niya na sinabi na, ‘Wala kang pera, gusto mong barilin na lang kita?’” kuwento ng isa sa mga biktima.

“Iba 'yung pakiramdam 'pag nakatutok na 'yung baril sa ulo mo, tapos kinasa pa sa harap mo. Kaya ayun, medyo na-trauma ako,” sabi ng isa pang biktima.

Kabilang sa natangay ng mga suspek ang wedding ring ng isa sa mga biktima.

Bago ang panghoholdap, makikita pa ang mga suspek na nagmula sa F. Rojas Street, bago lumiko sa M. Ocampo Street at kumaliwa ng S. Delos Santos Street, kung saan nakatambay ang mga biktima.

Ilang saglit pa, kumanan ang mga suspek ng R. Papa at umikot pa sa ibang mga kanto, bago bumaba ng motor ang dalawa sa mga nangholdap sa kanila.

Sa isa pang kuha, makikita ang isa sa mga suspek na may hawak na baril. Sinilip pa nila ang nakuhang alahas bago tuluyang tumakas.

Sinubukan ng isa sa mga biktima na habulin ang mga suspek pero hindi niya rin sila inabutan.

“Naging leksyon sa amin siguro 'yung huwag kang pakampante lalo sa mga ganong oras, lalo sa panahon natin ngayon,” mensahe ng isa sa mga biktima.

“Lumaban kayo ng patas, hindi 'yung gagawa kayo ng krimen. May mga anak at pamilya rin kayo,” mensahe ng isa pang biktima sa mga suspek.

Ayon sa barangay, nasalisihan lang sila ng mga suspek kaya nangyari ang insidente.

Nakipagugnayan na sila sa mga awtoridad upang mas madagdagan ang mga pulis sa lugar.

Kasalukuyan ding nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News