Sa halip na perang pang-tuition, nagtamo ng malalaking sugat sa katawan ang isang babaeng nagbebenta ng cellphone, matapos siyang kaladkarin ng de-motorsiklong buyer na scammer pala.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa isang video ang pagharurot ng isang motorsiklo kahit nakakaladkad na ang isang babaeng nakakapit sa likod.

Binusinahan at tinangka silang habulin ng ilang motorista hanggang sa huminto ang motor.

Pero pagkabitaw ng babae, mabilis na tumakas ang motorsiklo.

Naganap ang insidente noong Linggo ng Pagkabuhay, kung saan ninakawan na pala ng cellphone ng rider ang babae.

Kinilala ang biktima na si Janice Felice Balanza, 25, nagtamo ng malalaking sugat sa katawan.

ADVERTISEMENT

Kuwento ni Balanza, Abril 19 nang may isang nagpakilala sa kaniyang Anton Jay at nagchat sa kaniya para bilhin ang cellphone na kaniyang ibinibenta sa marketplace para makapag-enroll.

“Pag-upo po namin doon sa gilid po, chineck lang po niya 'yung phone po tapos tinatanong niya pa po ako kung may P200 daw po kasi ako. Kasi 'yung benta ko po doon is P19,800. So, in-expect ko po may P20,000 siya. Sa bilis po ng pangyayari, nilagay niya na po agad sa bag. Sabi niya, ‘Ay, wala akong cash. Mag-withdraw ako dito lang naman sa tabi,’” salaysay ni Balanza.

Inabutan pa si Balanza ng helmet at umangkas siya hanggang sa isang bangko.

Ngunit pagkababa niya, bigla umanong umandar ang motorsiklo.

“Tapos napahawak po ako ganu’n sa motor niya, sa likod, dalawang kamay ko po. Tapos nakaladkad na po niya ako noon. Sumisigaw po ako ng ‘Tulong po!’ Tinatawag ko rin siya, ‘Kuya!’ Tapos parang nag-lock po talaga 'yung grip ko noon kasi hindi ko po siya mabitawan. Tapos parang nag-blackout po ako noon na hindi ko po alam kung ano 'yung nangyayari. Basta sigaw lang po ako ng sigaw noon,” sabi ni Balanza.

Sa isa pang punto, sinaktan pa si Balanza ng rider para bumitaw sa motorsiklo.

“Sabi ko sa kaniya na ‘Kuya maawa ka.’ Tapos pinagsusuntok niya po 'yung kamay ko para bumitaw. Ayun, bibitaw naman po ako. Pagtayo ko po, pagbuwelo ko po, pinaandar niya po ulit.”

Tinulungan si Balanza at nilapatan siya ng first aid, bago sinamahan ng MMDA sa pulisya.

Namukhaan ng biktima ang rider, ngunit napansin niyang hindi ito ang larawang gamit ng kausap niya online. Binlock na rin siya nito.

Siniguro ng Quezon City Police na patuloy ang pag-iimbestiga sa insidente.

“Ongoing po ang ating follow-up. Nag-backtrack na rin po tayo sa mga CCTV. Huwag magtitiwala sa mga katransaksyon natin lalo na po sa online,” sabi ni Police Captain Ben Cammagay Jr., officer in charge ng Masambong Police Station.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News