Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa motovlogger na si "Yanna" dahil sa nangyaring iringin sa kaniya at driver ng pickup-truck sa isang kalsada sa Coto Mines, Zambales.
"LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II said Yanna Moto Vlog will be asked to explain why her driver’s license should not be suspended or revoked for being an improper person to operate a motor vehicle for allegedly instigating a road rage," saad ng LTO sa pahayag.
“Matagal na tayong nagpapaliwanag sa milyon-milyong nating mga kababayang motorista na walang mabuting idinudulot ang init ng ulo sa kalsada—at napakarami na ang naparusahan natin dito,” sabi ni Mendoza.
Dagdag ni Mendoza, ginamit sana ng vlogger ang kaniyang impluwensya sa social media para isulong ang responsableng pagmamaneho at kaligtasan sa kalsada.
Sinabi ni Mendoza na sa kabila ng paghingi ng paumanhin ng lady rider, itutuloy pa rin ang imbestigasyon.
Sa isang video na inupload ni Yanna sa kaniyang social media, mapanonood na nagtungo sila ng kaniyang kapatid sa pinagtatrabahuhan ng nakaalitan niyang pickup driver upang personal na humingi ng tawad.
Ngunit sa pagpunta nila, hindi nila dinatnan ang driver. Kung kaya sa isang video message na lamang inilahad ni Yanna ang kaniyang paumanhin.
“I would like to take this opportunity to say sorry to Kuya Jimmy for what I have caused and of course as well as to those people who got dragged into the issue. Sorry din po sa citizens of Zambales, the riding community, especially the off-road community,” sabi niya.
"This issue is all on me, I'm still learning. This one especially the hard way. I promise to be more patient next time, especially on the road, and listen to my ates and kuyas more. Na-feel ko na po 'yung mundong maraming galit and ayoko na pong maulit po iyon," dagdag pa niya.
"Sorry po at pasensiya po ulit. Maraming salamat po," anang lady rider.
Nitong linggo, nagbahagi si Yanna ng video ng kanilang trip sa Zambales.
Sa video, mapanonood na binabagtas nila ang Cota Mines nang may isang pickup turck ang tila nagpapalipat-lipat ng lane. Dahil dito, nagpasya si Yanna na mag-overtake.
Ngunit sa kaniyang pag-overtake, bahagyang lumiko rin sa kaniyang direksyon ang driver kaya muntikan umano siyang mabangga nito.
Hindi nakapagpigil ang lady rider na itaas ang middle finger sa pickup driver.
Pagka-stopover, bumaba ang pickup rider at kinompronta siya ukol rito.
"Ba't namamak*u ka? Alam mong lubak-lubak ang daan," saad ng pickup, kung saan tumugon naman si Yanna, "Bakit nga ba? You tell me!"
"May side mirror ka. Ako wala. Hindi ka gumagamit ng side mirror mo?" giit pa ni Yanna.
Gayunman, umani ito ng mga negatibong reaksyon mula sa netizens, na sinabihan si Yanna na maaari siyang magbusina para maalerto ang driver ng pickup, o puwede niyang sabihin ang kaniyang punto sa mahinahon na paraan.
Samantala, sinabi ni Senator JV Ejercito, na ipinadala ang video ni Yanna kay Department of Transportation Secretary Vince Dizon para sa aksyon, na dapat na magkaroon ng katugunan ang Land Transportation Office.
"Though there was a public apology by Yanna on video last night, there should be action from the appropriate government agency LTO to discipline drivers or riders on the road," anang senador.
"Also, we should never tolerate this kind of behavior. Yanna should learn from this incident.
We need to respect locals dahil nakikiraan lang tayo sa kanilang lugar, reminder to all riders," dagdag niya.
Ilang netizen ang nagsabing kasama umano ng grupo ni Yanna ang senador noong mangyari ang insidente, kaya tila agresibo ang vlogger sa daan.
Itinanggi naman ito ni Ejercito.
"Mam hindi ako kasama nung nangyari ang insidente to be clear," saad ni Ejercito. -- FRJ, GMA Integrated News