Hindi napigilan ng isang padre de pamilya na maging emosyonal nang alalahanin ang huling pag-uusap nila ng kaniyang siyam na taong gulang na anak bago ito masawi kasama ang ina sa karambola ng mga sasakyan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX nitong Huwebes.
"Wala na. Wala na. 'Yung pinakamamahal kong anak na bunso ko, sila ng asawa ko," sabi ni Elmer Añonuevo, padre de pamilya ng nasawing mag-ina sa ulat ni Bea Pinlac sa Balitanghali nitong Biyernes.
"Nito ngang pag-alis nila. Sabi niya, 'Papa, tatawag ka sa akin ha. 'Pag hindi, ako tatawag sa iyo,'" pag-alala pa ni Añonuevo tungkol sa huling sinabi sa kaniya ng anak, bago ito bumiyahe kasama ang ina patungong Pangasinan.
Dadalo sana ang mag-ina sa isang children's camp na inorganisa ng kanilang simbahan.
"Ayun ang na-miss ko sa kaniya. Sasabihin, 'Love na love kita Papa. Kahit ano'ng mangyari, hindi kita iiwan. Hanggang sa magtanda ka, alagaan kita.' Ngayon, hindi ko na alam paano gagawin ko... Nauna pa siya sa akin," naiiyak na sabi ni Añonuevo.
Naganap ang disgrasya sa SCTEX matapos salpukin ng isang bus ang isang van, dalawang SUV at 18-wheeler.
"Ito pong bus, 'yung Solid North Transit Inc., ito po 'yung bumangga doon sa apat na vehicles na nabanggit ko na nakahinto na po sa toll plaza ng SCTEX," sabi ni Police Lieutenant Colonel Romel Santos, Chief ng Tarlac City Police.
Makikitang yuping-yupi ang van at SUV na naipit sa gitna ng bus at truck.
"Napipi nang husto 'yung dalawang sasakyan na na-sandwich. After siyang tinamaan noong bus, kung makikita lang ninyo 'yung nakita namin kanina, parang 'yung sardinas na sama-sama sa loob noong dinatnan namin. Kaya medyo nahirapan kami sa pag-extricate kasi may tatamaan ka sa katawan noong mga naandoon sa loob bago mo sila mailabas," sabi ni Marvin Guiang, head ng Tarlac PDRRMO.
Isang tao lang ang nakaligtas sa van na siyam ang pasaherong.
Ayon sa mga awtoridad, apat na taong gulang ang pinakabatang nasawing pasahero nito.
Nasawi rin ang mag-asawang sakay ng SUV, samantalang nakaligtas ang kanilang dalawang taong gulang na anak.
"Hindi ko rin po akalain kanina na may bata pala roon kasi hindi umiiyak 'yung bata. Wala kaming narinig na komosyon. 'Yung kotse na 'yung aming bubuksan, naano rin ako kasi nakita nandu'n 'yung 2-year-old boy, naka-car sit nga at minor injuries lang ang natamo niya," sabi ni Guiang.
Inilipat na sa ospital sa Bulacan ang bata, habang iniuwi na rin doon ang mga labi ng kaniyang magulang.
Sugatan din ang 35 tao na sakay ng bus, base sa datos ng pulisya, kung saan tatlo ang mga menor de edad. Patuloy na nagpapagaling ang ilan sa kanila sa Tarlac Provincial Hospital.
Sinabi ng Tarlac PDRRMO na sasagutin ng provincial government ang medical assistance sa mga biktima, at tumutulong din sila sa pagproseso ng mga labi ng nasawi sa disgrasya.
Sinabi naman ng LTFRB na magbibigay ng P400,000 ang insurance company sa pamilya ng bawat pasaherong nasawi.
Isinailalim na sa preventive suspension ang 15 public utility buses matapos ang insidente.
Bukod sa 10 nasawi, mahigit 37 pa ang sugatan, na kinasangkutan ng unit ng Dagupan Bus na pinatatakbo ng Solid North.
https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/944731/ltfrb-suspends-15-buses-after-fatal-sctex-accident/story/
Pinatawan ng LTFRB ng 30-day suspension ang Solid North na kumpanya ng bus na naaksidente.
Inatasan din ang bus operator na isailalim sa road safety seminar ang lahat ng driver na nakatalaga sa mga unit, magsagawa ng mandatory drug test, pumasa sa roadworthiness inspection ang lahat ng suspendidong bus, at magsumite ng video documentation ng inspeksyon, seminar, at drug testing. -- FRJ, GMA Integrated News