Posibleng magkaroon ng tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo matapos ang dalawang sunod na linggo ng oil price hike.
“Based on the four-day trading in MOPS (Mean of Platts Singapore), prices of petroleum products are expected to rollback,” ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero nitong Huwebes.
Ang tapyas sa presyo ay tinatayang:
Gasoline - P0.25 to P0.70 per liter
Diesel - P0.30 to P0.80 per liter
Kerosene - P0.50 to P0.70 per liter
Maaari pang magbago ang nabanggit na mga halaga depende sa resulta ng huling trading sa MOPS ngayong Biyernes.
Ayon kay Romero, ang inaasahang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo ay dulot ng ilang pandaigdigang usapin tulad ng pagtaas ng imbentaryo ng langis sa Estados Unidos na magtutulak ng oversupply sa global markets.
Inaasahan din na maaaring dagdagan ng Saudi Arabia ang kanilang produksyon upang palawakin ang bahagi nila sa merkado.
May epekto rin umano ang pabago-bagong patakaran ng Amerika sa taripa na maaaring magpahina sa global economic growth at pangangailangan sa langis.
Inaanunyo ng mga oil companies sa Pilipinas ang magiging opisyal na paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo tuwing Lunes, at ipatutupad naman kinabukasan sa Martes.
Nitong nakaraang Martes, tumaas ang presyo ng gasolina ng P1.35 per liter, habang P0.80 sa diesel, at P0.70 sa kerosene. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News