Isang lalaki ang nagsampa ng reklamong physical injuries at grave threats laban kay Davao City Representative Paolo "Pulong" Duterte sa Department of Justice (DOJ).
Batay sa reklamo, inakusahan si Duterte ng paglabag sa Article 265 at Article 282 ng Revised Penal Code.
Nangyari umano ang insidente sa loob ng isang bar sa Davao City noong February 23.
Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Fadullon ang naturang reklamo na inihain laban sa kongresista.
Sa sinumpaang salaylay ng nagrereklamo, inihayag nito na pinagbantaan siya ni Duterte habang may hawak na patalim at sinasaktan siya sa loob ng may dalawang oras sa bar.
“At hineadbutt niya ko sa ulo ng maraming beses at ako ay humihingi sa kanya ng patawad kung ano man ang nagawa kong mali sa kanya ngunit patuloy pa rin siya na hineadbutt ang aking ulo at inuundayan niya ulit ako ng kutsilyo,” saad reklamo.
Idinagdag ng nagreklamo na nakuhanan ng CCTV camera ang bahagi ng insidente bago pa nakita ng grupo ng kongresista at ipapatay CCTV camera.
“Halos 2 hours niya akong sinaktan sa loob ng bar. Suntok, sampal, tadyak, ang aking inabot kay Paolo Duterte dahil sa galit niya sa akin,” patuloy ng nagrereklamo.
Matapos umano ang pananakit, binigyan umano siya ni Duterte ng tig-P1,000 sa bawat pananakit na ginawa sa kaniya.
Hindi umano nagawa ng lalaki na magpa-medical matapos ang insidente dahil sa takot.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng pahayag si Duterte. —mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News