Isang guwardiya ang nanakawan ng baril nang makatulog ito habang on duty sa isang condominium sa Malate, Maynila.

Sa kuha ng CCTV, nakitang may dalawang lalaki sa main entrance pasado alas tres ng madaling araw nitong Lunes.

Dahan-dahan nilang binuksan ang security podium hanggang makuha nila ang 9mm na baril na service firearm ng guwardiya na hindi pa rin nagigising noong mga oras na 'yun.

Sa isa pang kuha ng CCTV sa labas ng condominium, nakitang naglalakad ang dalawang salarin at mayroon pa silang isang kasama.

Ayon sa pulisya, makalipas ang 13 minuto, doon pa lang nagising ang guwardiya at natuklasan na nawawala na ang kanyang service firearm.

Agad daw niya itong ipinagbigay-alam sa mga pulis.

Sa backtacking ng mga awtoridad, napag-alaman na dumaan ang mga salarin sa Castro Street papunta ng Fidel Reyes Street hanggang sa makarating sila ng Noli Agno Street.

Dito na nahuli ng mga pulis ang isa sa kanila.

"Na-identify na siya 'yung mismong kumuha sa drawer," ani Police Lieutenant Colonel Jolly Soriano, station commander ng Manila Police District Station 9.

"Nu'ng pagkadala namin dito, wala pa sa kanya 'yung firearms. 'Yung dalawa kasi, nagkahiwa-hiwalay sila," dagdag ni Soriano.

Kalaunan, itinuro rin ng 19-anyos na suspek kung nasaan ang baril na ibinaon pala nila sa ilalim ng isang puno.

Isasailalim daw ito sa ballistic examination.

Aminado naman ang suspek sa kanyang nagawa.

Na-inquest na kahapon ang suspek at nasampahan na ng reklamong theft.

Patuloy namang hinahanap ang iba pang suspek.

Sabi naman ng pulisya, nagkakaroon na ng imbestigasyon ang security agency sa kung bakit nakatulog noon ang 23-anyos na guwardiya.

Inaalam din nila kung may posibilidad na nasobrahan sa oras ng duty ang biktima at hindi sapat ang kanyang pahinga.

Sinubukan ng GMA Integrated News na makipag-ugnayan sa security agency ng condominium.

Itinanggi naman ng shift in charge doon na nagkaroon ng insidente ng nakawan sa kanila. —KG GMA Integrated News