Nasa Cordillera Administrative Region (CAR) ang tinutugis na si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.

Abril 2023 nang maglabas ng arrest warrant ang Muntinlupa court laban kay Bantag kaugnay sa nangyaring pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at sa inmate na si Jun Villamor noong 2022.

“Ang latest info namin ay nasa Cordillera region. So, nandoon ang tracker teams namin ngayon,” sabi ni Remulla sa isang press conference nitong Huwebes.

“Pero dapat maintindihan niyo mahirap ang Cordillera region. Bundok yan. Bago mo mapasok yan, may cover of trees so hindi natin puwede lagyan ng drone. Wala kang makikita,” dagdag niya.

LIST: Personalities with arrest warrants in high profile cases

Idinagdag ni Remulla na naghahanap ng mga paraan ang mga awtoridad para matunton ang kinaroroonan ni Bantag.

“Kailangan live ang asset natin. Kaya yung mga tribo doon ay nagproprotektahan. So, we are now trying other means para makapasok,” saad ng kalihim.

Naglaan ang Department of Justice (DOJ) ng P2 million reward sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Bantag.

Itinanggi noon ni Bantag ang mga paratang laban sa kaniya — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News