Sugatan ang isang 44-anyos na lalaki na umano’y lasing matapos siyang barilin ng lalaki na hinamon niya ng away sa Barangay Malinta, Valenzuela City.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV ang pagtambay ng grupo ng suspek noong Lunes ng gabi. Hanggang sa dumating ang biktima na nakainom umano at nilapitan ang suspek, ayon sa pulisya.
“‘Ya, siga ako dito. Ha? Siga ako dito. Siga ka? Siga ka? ‘Ya, ikaw, siga ka?,” madidinig na pahayag ng biktima sa isang video.
Hindi na nakunan sa video ang mga sumunod na nangyari pero sinabi ng pulisya na humantong na sa pamamaril ang pangungursunada umano ng biktima.
“Parang hinamon nitong victim si suspect. Nakursunadahan nitong victim nitong si suspect. Pagkatapos niyang pagdiskitahan, nagkaroon pa sila ng pagtatalo. Hanggang nauwi na doon sa pagkuha ng baril. Tapos binaril niya na itong biktima natin,” sabi ni Police Lieutenant Alexander Manalo, Deputy Officer ng Valenzuela Police.
Dalawang tama ng bala sa dibdib, isa sa braso at isa sa tiyan ang tinamo ng biktima, na agad dinala sa ospital.
Ang 37-anyos na suspek naman, nakita pa sa CCTV na naglalakad papuntang MacArthur Highway matapos ang pamamaril.
“Ayon nga roon sa kaniyang asawa na itong si suspek, pagkatapos 'yung pangyayari ay agad umalis. At ang pagkakasabi ay tatakas na papuntang Samar,” ani Manalo.
Isang dragnet operation ang ikinasa ng pulisya at naaresto sa Cubao ang suspek makaraan ang ilang oras sa tulong ng Quezon City Police.
Sinubukan ng GMA Integrated News na kunin ang panig ng suspek na nakakulong sa Valenzuela City Police Station ngunit hindi na siya nagbigay ng pahayag.
Ayon kay Manalo, inamin ng suspek na mayroon siyang nabaril at itinuro kung saan nakatago ang baril na ginamit niya sa krimen na hindi lisensiyado.
Batay sa record ng pulisya, dati nang nabilanggo ang suspek dahil sa kasong pagpatay. Nahaharap siya ngayon sa mga reklamong frustrated homicide at illegal possession of firearms.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
