Matapos silang hiyain sa kanilang court ng dalawang beses, bumawi ang San Antonio Spurs nitong Lunes (US time) at tinalo ang Knicks sa sarili nitong teritoryo sa New York sa iskor na 115-111 sa Game 3 ng kanilang agawan sa kampeonato.
Nagtala si Victor Wembanyama ng 32 puntos, walong rebound, anim na assist, at tatlong block upang tulungan ang San Antonio Spurs sa kanilang pagbangon sa championship game.
Lamang pa rin ang Knicks (2-1), at gaganapin ang Game 4 sa Miyerkoles sa New York pa rin.
Dahil naman sa kanilang pagkatalo, naputol ang 13-sunod na panalo ng Knicks, ang ikalawang pinakamahabang winning streak sa postseason sa kasaysayan ng NBA.
Nanalo ang Golden State Warriors noong 2017 sa kanilang unang 15 laro sa playoffs bago nakamit ang kampeonato.
Huling natalo ang New York sa iskor na 109-108 laban sa Atlanta Hawks sa Game 3 ng kanilang first-round Eastern Conference series noong Abril 23.
Nag-ambag si Stephon Castle ng 23 puntos para sa Spurs—18 dito ay sa first half at limang mahahalagang puntos sa dulo ng fourth quarter.
Nagmula naman sa bench si Dylan Harper na may 13 puntos. Umabot din sa double figures ang mga starter na sina Julian Champagnie (12 puntos), De'Aaron Fox (12 puntos), at Devin Vassell (11 puntos). Nagdagdag din si Fox ng walong assist.
Sa panig ng Knicks, umiskor si Jalen Brunson ng 32 puntos sa 11-of-25 shooting. Nagdagdag si OG Anunoby ng 28 puntos habang tumama sa 9 sa kaniyang 13 tira. Nagtala naman si Josh Hart ng 16 puntos. Sina Karl-Anthony Towns at Jordan Clarkson ay nagtapos na may 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Si Hart ang nanguna sa Knicks sa rebounds na may siyam, habang tinapos ng New York ang laro na may 46-37 na bentahe sa rebounding. --Jerry Beach Field Level Media/Reuters/FRJ GMA News
