Sapul sa CCTV camera ang dalawang suspek na nagnakaw sa isang bahay sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City. Kabilang sa kanilang tinangay ang isang flat-screen TV at aircon.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang video footage na magkasunod na naglalakad ang dalawang lalaki papalapit sa gate ng isang bahay.
Maya-maya pa, pilit nang binubuksan ng isang lalaki ang gate, habang lookout naman ang isa pang suspek. Nang mabuksan ang gate, doon na pumasok sa bahay ang dalawa at isinagawa ang pagnanakaw.
Makaraan ang ilang minuto, makikita ang dalawa na palabas ng gate na may dala-dala nang mga gamit.
Sinabi ng pulisya na natuklasan ang pagnanakaw makaraan ang dalawang araw. Wala sa bahay ang may-ari na nag-migrate na sa ibang bansa.
“Nu’ng bumisita nga 'yung kamag-anak nila na naiwan dito sa Pilipinas, na-discover nila na nanakawan na. Napag-alaman natin na dumaan sila doon sa likod ng bahay, dinestroy ‘yung kanilang gate, tapos sinira pa nila 'yung pinto sa likod,” sabi Lieutenant Colonel Wilfredo Fabros Jr., Commander ng Holy Spirit Police Station.
Kasama ang isang flat-screen TV, air-conditioning unit, at iba pang gamit na natangay mula sa bahay.
Naaresto naman ang dalawang suspek-- isang 28-anyos at isang 35-anyos-- sa follow-up operasyon ng pulisya.
Nakuhanan pa ng baril na kargado ng bala ang isang suspek.
“Meron tayong tipster na meron ‘di umano dalawang lalaki na nagbebenta ng kahalintulad ng mga gamit na nawawala sa bahay na iyon. Agad na inaksyunan natin, nagpanggap ‘yung mga pulis natin na bibili. Then noong na-confirm na ‘yun ‘yung mga gamit na nawala roon sa bahay, nag-declare na ‘yung mga pulis natin, hinuli sila,” sabi ni Fabros.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga salarin, na sinampahan ng mga reklamong robbery at paglabag sa anti-fencing law.
May karagdagang reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isang suspek.—Jamil Santos/FRJ GMA News
