Nadagdagan ang mga Pilipino na walang trabaho noong Abril 2026. Habang nadadagdagan ang bilang ng mga naghahanap ng mapapasukang trabaho, bumaba naman ang antas ng oportunidad sa bansa, ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Martes.

Umabot sa 2.41 milyong Pilipino na nasa working age ang walang trabaho noong Abril 2026, katumbas ng 4.7% unemployment rate. Mas mataas ito kumpara sa 2.06 milyon na walang trabaho na naitala sa kaparehong buwan ng nakaraang taon, na may 4.1% na unemployment rate.

Ito rin ang pinakamataas na unemployment rate tuwing Abril mula noong 2022, nang umabot sa 5.7% ang walang trabaho.

Nagpapakita ito na 47 sa bawat 1,000 katao sa labor force ang walang trabaho o pinagkakakitaan sa naturang buwan. Mayroon ding humigit-kumulang 240,000 bagong pumasok sa labor force, at karamihan sa kanila ay mula sa grupo ng edad na 15 hanggang 24-anyos.

Samantala, tinatayang 48.89 milyong Pilipino ang may trabaho noong Abril, na nagresulta sa 95.3% employment rate. Mas mababa ito kaysa sa 95.9% na naitala noong nakaraang taon, kahit na tumaas ang bilang ng mga may trabaho mula 48.67 milyon.

Ayon kay Claire Dennis Mapa, maaaring may kaugnayan ang pagtaas ng mga walang kayod sa nagaganap na kaguluhan sa Gitnang Silangan, kasunod ng pagbaba sa 450,000 ang mga manggagawang nasa sektor ng retail trade.

“Karamihan na may bawas nasa retail trade, so puwedeng impact ito ng presyo, income,” pahayag niya sa isang virtual briefing.

Naapektuhan din ang employment ng pagsisimula ng tag-init o dry season, na makikita sa pagbaba ng bilang ng mga manggagawa sa sektor ng agrikultura matapos ideklara ang mainit at tuyong panahon noong Marso 23, 2026.

“‘Pag bumababa ‘yung volume, nagkaka-effect sa labor market (If the production volume declines, this has an effect on the labor market). We will monitor this if this will continue in the coming months,” sabi ni Mapa.

Samantala, nakapagtala naman ng pagtaas sa trabaho ang mga sektor ng accommodation and food service activities, manufacturing, transportation and storage, at education.

Sa mga may trabaho, 7.41 milyon ang naghahangad pa ng dagdag na oras ng trabaho, karagdagang hanapbuhay, o bagong trabaho na may mas mahabang oras ng paggawa. Katumbas ito ng 15.2% underemployment rate.

Mas mataas ito kumpara sa 7.09 milyong underemployed noong Abril 2025, kung kailan naitala ang underemployment rate na 14.6%. Ito rin ang pinakamataas na antas ng underemployment mula noong 15.9% noong Hulyo 2023.

Pinakamalaking pagtaas ng underemployment ang naitala sa sektor ng transportasyon at storage sector, partikular sa mga drayber ng jeepney, taxi, at motorcycle taxi, na tumaas ang bilang ng underemployed workers mula 7.09 milyon tungo sa 7.41 milyon.

Dumami rin ang mga underemployed sa mga sektor ng paggawa ng bamboo cane o rattan; accommodation and food service activities, at other service activities, na kasama ang domestic services, personal services for wellness, at repair of households and appliances.

Tinatayang umabot sa 51.30 milyong Pilipino ang labor force o mga taong nasa edad 15 pataas na maaaring magtrabaho, katumbas ng 62.7% labor force participation rate. Mas mababa ito kaysa sa 63.7% noong nakaraang taon, na may 50.74 milyong kasapi ng labor force.. — FRJ GMA News