Nadakip na nitong Martes ng umaga sa Quezon City ang dating police official na si Rafael Dumlao, na nahatulan ng korte kaugnay ng pagdukot at pagpatay noong 2016 sa negosyanteng South Korean na si Jee Ick Joo, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Sa isang press briefing, sinabi ni Remulla na isinilbi ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ng warrant of arrest laban kay Dumlao dakong 5:00 am sa isang bahay sa Pasong Tamo, Quezon City.
“Today, June 9, 2026, at around 5 o'clock a.m., operatives of the PNP successfully arrested Police Lieutenant Colonel Rafael Dumlao. He was arrested in a house in Pasong Tamo, Quezon City pursuant to a warrant of arrest issued by the court,” ayon kay Remulla.
Natanggal sa serbisyo si Dumlao noong 2018.
Dinukot sa Pampanga at pinatay si Jee Ick Joo, sa loob ng bakuran ng Camp Crame noong Oktubre 2016. Kahit patay na, humingi pa umano ransom ang mga salarin sa pamilya ng biktima.
Batay sa mga lumabas na ulat, dinala ang bangkay ni Jee Ick Joo sa Caloocan at ipina-cremate at itinapon ang mga abo.
Ayon kay Remulla, isang saksi ang nagsiwalat sa sinapit ni Jee Ick Joo na unang dinukot para kikilan.
Pinatay umano sa sakal sa loob ng sasakyan ang Korean nang hindi siya kaagad makapagbigay ng pera.
Sinabi ni Remulla na noong Setyembre 2024, binaligtad ng Court of Appeals ang naunang desisyon ng mababang hukuman, nang napatunayang nagkasala si Dumlao. Hinatulan siya ng parusang reclusion perpetua, at ipinaaresto.
Noong Hunyo 30, 2025, ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni Dumlao at ang iba pang apela, na nagpatibay sa hatol laban sa kaniya.
“This morning’s operation is a clear demonstration of the government’s commitment to enforce the law and implement court decisions,” ani Remulla.
“The arrest sends a strong message that no one is above the law regardless of rank, position, or former authority,” dagdag niya.
Pinuri rin ni Remulla ang mga tauhan ng PNP na nagsagawa ng operasyon, at sinabing ipinakita nito ang dedikasyon ng organisasyon sa reporma at pananagutan.
“Even though Colonel Dumlao was one of their own, he was not put above the law,” saad ng kalihim. — FRJ GMA News

