Nasawi ang isang 14-anyos na lalaking person with a disability (PWD) matapos siyang bugbugin umano ng anim na menor de edad sa Parañaque City.

Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GMA News “Saksi” nitong Martes, sinabing nangyari ang krimen noong hapon ng Biyernes sa isang footbridge sa Barangay BF Homes.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Police Colonel Nicolas Piñon, hepe ng Paranaque City Police, na nakipagkita ang biktima sa anim na Children in Conflict with the Law (CICL) para ihatid ang biniling shorts sa kaniya.

Matapos makuha ang shorts, umakyat umano ang biktima sa footbridge at doon na nangyari ang pambubugbog.

Nakatakbo pa ang biktima sa pulisya pero sumusuka na siya ng dugo kaya dinala sa osptal at doon na pumanaw dahil sa matinding pinsala na tinamo sa utak.

Sa follow-up operation ng mga pulis, naaresto ang anim na menor de edad.

Nasa kustodiya na sila ng city social welfare department at sinampahan ng reklamong murder.

Hustisya naman ang hiling ng ina ng biktima na inilarawan na mabait ang anak at walang kaaway.—FRJ GMA News