Nilinaw ni Elijah Canlas na hindi siya nagtaksil at walang “third party” sa desisyon nila ni Miles Ocampo na maghiwalay na.
Sa panayam ni Ogie Diaz, itinanggi ni Elijah ang mga alegasyon ng nagtaksil siya at sinabing hindi iyon ang dahilan ng kanilang paghihiwalay ni Miles.
Ayon sa aktor, malalaman ni Miles kung totoo ang alegasyon laban sa kaniya.
“People close to us would know it’s not true,” ani Elijah. “There’s no third party involved.”
Sinabi rin ni Elijah na ayaw niyang magmukhang defensive, kaya bihira niyang sagutin ang mga alegasyon tungkol sa pagtataksil.
Ayon pa sa aktor, naranasan din niya na mapagtaksilan kaya hindi niya gagawin ito, lalo na kay Miles.
Nilinaw din ni Elijah ang viral video na kasama niya si Thea Astley sa La Union, sa isang public market.
“The people are overreacting,” saad niya. “They made a mountain out of a molehill. There was no molehill to begin with.”
“Thea and I are just friends, and we’ve been friends for a while,” sabi pa niya. “It wasn’t just the two of us in La Union. We were with our other friends.”
Taliwas sa mga lumabas sa social media na magkahawak sila ng kamay ni Thea, sinabi Elijah na inalalayan lang niya ito sa braso para sa gagawing picture taking.
Ayon kay Elijah, ilang buwan pa lang ang nakakalipas sa kanilang paghihiwalay ni Miles, na tumapos sa limang taon nilang relasyon.
Napagdesisyon lang umano nilang dalawa ang maghiwalay, at nananatili silang magkaibigan.
Mayo 2022 nang kumpirmahin ng dalawa ang kanilang relasyon pero naghiwalay sa sumunod na taon. Pagkaraan ng isang taon, iniulat na nagkabalikan ang dalawa. —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

