Emosyonal na inilahad ni Angelica Jones na humiling siya sa dating partner na kilalanin ang kanilang anak na si Angelo, lalo na kung sakaling dumating ang panahon na mawala na siya.

Sa kaniyang nakaraang guesting sa Fast Talk with Boy Abunda, hiningan si Angelica ni Tito Boy ng update tungkol sa kaniyang kahilingan sa kaniyang ex-partner.

“As of now, wala pa rin po,” panimula ni Angelica. “I'm hoping na sana po sa anak ko ay maayos. And actually, sumulat na po ‘yung anak ko sa dad niya.”

Kuwento ni Angelica, may ilang pagkakataon na nalagay sa alanganin ang kaniyang kalusugan.

“Actually, noong naospital ako, naospital nga po ako twice. Sumulat nga po ako sa tatay ni Angelo, [na] just in case na may mangyari sa akin na mawala ako. Nire-request namin na sana, of course, bigyan ng oras, kilalaning ng tatay ang kaniyang anak,” pagbahagi ni Angelica.

Inilahad ni Angelica ang maaaring dahilan ng hindi nito pagkilala sa kanilang anak.

“Hindi po siguro ayaw. Siguro busy po ngayon o siguro maraming dahilan,” saad niya.

Dumating na raw sa puntong nagtanong ang kaniyang anak kung bakit hindi niya kasuhan ang ama nito, gayong isa ring mambabatas si Angelica, na board member ngayon.

“Ang sabi ko naman sa anak ko, anak, kahit anumang mangyari, he's still your father,” sabi ni Angelica.

Nag-iwan ng madamdaming mensahe si Angelica kay Angelo.

“Sorry, Tito Boy. Pagdating kasi sa anak, I'm very sensitive emotionally. Malapit na ang birthday niya Tito Boy, this coming September 7,” pahayag niya.

“Angelo, always remember this, that I love you so much. May kulang man sa'yo or may hinahanap ka, pero lagi mo isipin na God loves you. And nandito si Mama Beth, nandito si Mama Angelica, na alam ko nagsisikap ka mag-aral, and gusto mo lagi kang honor,” mensahe niya.

“Ang nire-request ko lang sa anak ko sana huwag na siya mag-check ng Facebook, na huwag niya natingnan kung anong mayroong buhay sa kabila. Ang isipin niya, ‘yung buhay namin ngayon na contentment and happiness, na mahalaga ‘yung peace of mind, ang mahalaga ‘yung buhay ako, at kaya kong ibigay ‘yun para sa anak ko,” dagdag ni Angelica. -- FRJ GMA News