Ibinahagi ng beteranong aktor na si Ronnie Lazaro na mahigit 40 taon na sa industriya kung paano siya nakapasok sa showbiz, at ano ang kaniyang sikreto para magtagal sa kaniyang trabaho.
“Ang pagmamahal mo sa ginagawa mo. ‘Yan ang sinasabing bread and butter na bumubuhay sa pamilya, bumubuhay sa iyo. Siyempre gagandahan mo, patitingkarin mo, payabungin mo, pag-aralan mo,” sabi ni Ronnie, na apat na dekada nang nasa industriya, sa kaniyang guesting sa Unang Hirit nitong Miyerkoles.
Bukod dito, ipinunto rin ni Ronnie ang magandang pakikitungo sa kapwa.
“Mahalin mo hindi lang ang sarili mo kundi kapwa tao sa paligid, at ang trabaho. Maging professional,” ani Ronnie.
Mahalaga rin ang respeto sa oras ng bawat isa.
“We’re always early in our commitments,” saad niya.
Bago mapasok sa showbiz, isang accounting major si Ronnie sa Bacolod.
“Sa karamihan ng makulit kong utak, marami akong tanong. Napunta ako sa teatro. Naimbita ako, merong competition at isang matanda na karakter na ginawa ko agad,” pagbabalik-tanaw niya.
Kalaunan, natuklasan niya ang kagustuhan niya sa pag-arte.
“Eh, siyempre may workshop-workshop. Na-realize ko na itong workshop, ito pala ‘yung hanap ko. Ang pag-aalam ng ano ba ako, ano ba ang mundo. Kasi ‘yung mga ehersisyo ‘yung first time, malalaman mo… Lumawak ‘yung utak ko,” kuwento niya.
Ilan sa mga kasabayan ni Ronnie ang batikang aktor din na si Joel Torre.
Kamakailan lamang, nagawaran si Ronnie ng Galardón de Honor sa Manila Spanish Film Festival.
“I am very honored to have been given such,” sabi ni Ronnie, na nagtatanghal din sa teatro. –FRJ GMA News
