Ikinuwento ni Tom Rodriguez sa panayam ng "Unang Hirit" kamakailan na isang panibagong karakter ang papasok at dapat abangan ng mga sumusubaybay sa kilig-drama seryeng "I Heart Davao."

Ikinuwento ni Tom na nasa "M.U." stage na ang mga karakter nila ni Carla Abella na sina Ponce at Hope.

Pero nakikipagkompetisyon pa rin daw sa kaniya sa puso ni Hope si Paul, na ginampanan naman ni Benjamin Alves.

Ayon pa kay Tom, may panibagong karakter na papasok sa serye na si "Max San Agustin," na magsisilbing referee umano kina Ponce at Paul, sa pag-aagawan nila kay Hope.

Samantala, nagpasalamat naman si Tom sa kaniyang pagkaka-nomina bilang Best Lead Actor in a Foreign Language Film sa Madrid International Film Festival para sa kaniyang pagganap sa indie film na "Magtanggol."

Hindi pa tiyak si Tom kung makapupunta sa Madrid, pero inimbitahan niya ang mga Pinoy doon na panoorin ang pelikula na tumatalakay tungkol sa mga migranteng manggagawa. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News