Gusto raw maranasan ni Kapuso star Max Collins na maipagluto ng almusal ang kaniyang mister na si Pancho Magno. Pero hindi pa raw niya ito magawa sa ngayon dahil pareho silang busy ng kaniyang asawa.

"Because we're so busy, hindi ko pa naranasan 'yung parang pagkagising namin ako 'yung magluluto para sa asawa ko, gano'n, kasi as in hectic 'yung schedule naming dalawa," pag-amin ni Max sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes.

Dati nang inihayag ni Max na hindi pa sila gaanong nakakapag-adjust ni Pancho bilang mag-asawa, pero nagsisimula na silang magsama sa iisang bahay.

Kagagaling lang ni Max sa Singapore, kung saan nakapagbakasyon siya. Handa na uli siyang sumabak sa taping ng "The One That Got Away."

"Masaya kasi nakapag-shopping kami, namasyal. It was fun," sabi ng aktres.

Dagdag pa raw sa kaniyang kasiyahan ang chemistry sa set ng kanilang primetime series.

"I'm so excited kasi sobrang saya ng taping namin and ng set and the vibe, so feeling ko talaga makikita ng viewers 'yung chemistry naming lahat. I think it will be a fun show and everyone will find it fun," sabi ni Max.

Marami raw dapat abangan sa "The One That Got Away" nila nina Lovi Poe, Rhian Ramos at Dennis Trillo.

"Kailangan abangan ng mga viewers ang abs ko, ang abs ni Darcy, kasi pinaghirapan ko talaga 'yun. And bukod do'n, siyempre 'yung transition ng mga characters, kung paano kami mai-in love ulit sa aming ex na si Liam and 'yung magiging chemistry naming tatlo on screen."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News