Mananatiling Kapuso ang comedy genius at "Bubble Gang" star na si Michael V. sa muli niyang pagpirma ng kontrata sa GMA Network ngayong Miyerkoles, Abril 4.

 

 

Kasama sa ginanap na contract signing sina GMA Network Chairman and CEO Felipe L. Gozon, President and COO Gilberto Duavit, Executive Vice President and CFO Felipe Yalong, GMA SVP for Entertainment Lilybeth Rasonable, at kaniyang asawa at manager na si Carol Bunagan.

"Kung gaano katanda ang 'Bubble Gang,' gano'n katanda [rin ako], mag-23 years na ako sa GMA," sabi ni Michael.

"Mahirap kasing magpasaya kung hindi ka masaya. So masaya ako rito sa GMA dahil nagagawa ko 'yung gusto ko, napagbibigyan 'yung mga hiling ko, at saka 'yung gusto kong magpasaya talaga, sinusuportahan. 'Yon yung ugat talaga ng pagpapasaya natin," pagpapatuloy niya.

Ayon sa komedyante, paraan niya ito para magbalik-tanaw sa mga patuloy na nanonood sa kaniyang mga GMA shows na "Bubble Gang," "Pepito Manaloto" at "Lip Sync Battle Philippines" na ikatlong seasong na ngayon.

"Hindi natin puwedeng i-let down 'yung ating mga supporter kasi unang-una, sila 'yung naglagay sa atin dito, sila 'yung nagpapa-number 1 sa mga show na ginagawa ko at saka sumusuporta all the way. Ito lang 'yung paraan ko ng pagbabalik doon sa ibinigay nila sa akin," anang talented actor.

"'Yung mga tagasubaybay, 'yung mga supporter, sila talaga...sila 'yung magiging inspirasyon namin. Kaya siyempre, lahat ganado para sa kanila," dagdag niya.

Binanggit ni Michael na magsi-siyam na taon na rin ang "Pepito Manaloto."

Mas matindi naman ang kompetisyon sa "Lip Sync Battle Philippines", na hindi na dadalawa lamang ang naglalaban kung hindi may three-way at four-way battle na rin.

"Nagkakaroon na kami ng three-way, four-way, ewan ko kung ilang way aabot ito, pero maraming gustong maggulpihan para du'n sa "Lip Sync Battle" championship belt, bahala na. Pero hindi na limited sa dalawa 'yung naglalaban," paliwanag ni Bitoy.

Aabangan naman ang mga summer specials ng "Pepito Manaloto" at ang "Bubble Gang,"  na nag-shoot kamakailan sa Vigan, Ilocos Sur.

"Bukod dun sa sites, siyempre, 'yung mga lalaki... nagpapakaipokrito na naman ako noh," natatawang sabi ni Michael.

"Siyempre napakaganda ng mga pinrepare namin na sketches at saka mga gags para du'n sa summer special ng Bubble Gang," pahayag niya.-- FRJ, GMA News