Mula sa pagiging sikat na celebrity sa Pilipinas, naging karaniwang fan boy ang Kapuso comedy genius na si Michael V. nang makita ang kaniyang idolong Hollywood actors  sa presscon ng "Avengers: Infinity War" na ginanap sa Singapore.

Sa Chika Minute report ni Lyn Ching sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing present sa naturang presscon ang isa sa mga direktor ng pelikula na si Joe Russo, at mga bigating cast na sina Benedict Cumberbatch, na gumanap bilang si Doctor Strange; Karen Gillan, aka Nebula; at ang Iron Man na si Robert Downey Jr.

Si Robert, labis ang pasasalamat sa kanilang mga tagahanga at sinabing excited din ang cast ng inaabangang pelikula sa kalalabasan ng intorya ng mga "Avengers."

"We might be making the movies, but we're fans more also, critics of our own works, and we always try to make it better but i think this time we might nail it," sabi ni Robert.

Samantala, nagpapasalamat at ikinagagalak naman ni Benedict na makasama sa cast ng pelikula.

Si Michael V. na isang ultimate marvel fan, ibinigay kina Benedict at Karen ang mga ginawa niyang sketches ng mga character ng dalawa.

 

 

 

Ang isa pa niyang plano, gumawa ng sketch ni Robert at ipakikita sa red carpet sa pag-asang mapapansin siya ng kaniyang pinaka-idol sa mga Avenger.

 

 

"Sa red carpet, ipakita 'to sa kaniya at baka magkaroon ng tsansa na mapansin tayo," sabi ni Bitoy na hindi naman nabigo at nakaharap niya at nakausap si Robert.

Super happy rin ang Kapuso host na si Joyce Pring na nagka-moment din sa cast ng "Avengers: Infinity War" sa kanilang presscon.-- FRJ, GMA News