Nitong nakalipas na buwan, sumabak sa todo-workout ang aktres at "Inday Will Always Love You" star na si Manilyn Reynes. Pero bakit nga bang dahilan at pinili niyang mas maging healthy ngayon? Alamin.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa "24 Oras" nitong Huwebes, inabutan niyang nagwo-workout si Manilyn na gumawa ng bear crawl, push ups, planking, pagtakbo, at pati boxing.

Paliwanag ng aktres, wala naman siyang nararamdamang hindi maganda sa kaniyang katawan pero nagdesisyon siyang maging health conscious.

Sa isang buwan na pagwo-workout kasama ang asawang si Aljon Jimenez, eight pounds na umano ang nabawas sa timbang ni Manilyn.

"Ang sa akin, I'm proud to say I'm doing something about it. Hindi po prente-prente lang kumbaga. Yes it's good to eat, masarap talagang kumain pero ang sa akin, masarap kumain pero binabawi ko po sa takbo, boxing. Kasi nga po gusto namin maging healthier this time," paliwanag ng aktres.

Dagdag pa ni Manilyn, "Boxing, nagra-run po kami ni Aljon. Walking siyempre tapos po konting sayaw, konting, minsan nagta-trampoline, 'yung jump-jump lang ba."
Dahil sa workout, mas gumaan daw ang katawan niya.

Ipasisilip ni Manilyn ang kaniyang workout routine sa upcoming episode ng "Pinoy MD" sa Sabado.

Samantala, sinabi ni Manilyn na mas magiging exciting at nakakaaliw ang mga eksena sa "Inday Will Always Love You," na pinagbibidahan nina Barbie Forteza at Derrick Monasterio

Marami raw mangyayari ngayong nagkita na ang karakter ni Manilyn na si Marta at ang dating boyfriend na si Philip na ginagampanan ni Ricky Davao.-- FRJ, GMA News