Tuloy ang pagpapasaya ng Kapuso variety program na "Wowowin" matapos na muling pumirma si Kuya Willie Revillame ng co-production contract sa GMA Network nitong Miyerkoles, Agosto 8, 2018.

Kasama sa contract signing sina GMA Network Chairman and CEO Felipe L. Gozon, President and COO Gilberto Duavit, Executive Vice President and CFO Felipe Yalong, at si Atty. Alfonso Reyno Jr. ng WBR Entertainment Productions, at legal counsel ni Willie na sina Atty. Ferdie Domingo at Atty. King Reyno.

 

 

"Second home na namin ito eh. Pangalawang tahanan 'to ng staff, ng lahat at ng mga kababayan, Kapuso natin. Kumbaga andito 'yung kasiyahan nila eh. 'Pag nalulumbay, nalulungkot, ito 'yung gamot sa kalungkutan, itong programang ito na Wowowin," saad ni Kuya Wil.

"It was really made sa mga taong less fortunate tapos 'yung mga taong akala mo wala nang hope sa buhay, wala nang pag-asa, kaya ginawa itong programang ito para sa kanila," dagdag pa niya.

Ayon pa kay Kuya Wil, naramdaman niya ang pagmamahal at pagiging tahanan sa Kapuso Network.

"Ako personally, dito ko naramdaman 'yung haplos ng pagmamahal, from all the owners, the management, sa lahat. Dito kasi, even the guards, housekeeping, na-a-appreciate ka rito eh, kaming lahat, inaalagaan lahat 'yung mga bisita," saad niya.

"So nararamdaman ko rito is tahanan. Parang mas matagal pa ang oras mo dito eh kesa sa bahay mo. You have your meetings here, 'yung plans and then lahat dito ginagawa, so ito na ang buhay namin at ito ang buhay na magbibigay ng magandang buhay sa ating mga kababayan," patuloy niya.

Nagsimulang mapanood ang "Wowowin" sa GMA station noong May 10, 2015.

Kaya hiling ni kuya Willie, sana ay humaba pa ang kaniyang buhay. "Basta hangga't kaya namin, kaya ko, at hangga't makapagbibigay ng kasiyahan, kaligayahan, at siyempre, 'yung hope."

"Iba 'yung happiness na nakikita mo. Pag-uwi mo sa bahay, fulfillment eh, nagpapasalamat ka sa Diyos, na ikaw, sana mahaba pa ang buhay ko para marami pa kaming mapasaya. Not just for me, kasama din ang buong staff, lahat. Iba kasi ang tibok ng puso rito eh. 'Yung tibok ng puso sa GMA talagang may love eh, may pagmamahal," dagdag pa ng Wowowin host.

Marami pang games at segments na hinahanda ang "Wowowin" para sa mga kababayan, habang patuloy namang mapapanood ang mga segment tulad ng Hep Hep Hooray, Willie of Fortune, at Bigyan ng Jacket 'Yan.

"Hindi mo dapat pahirapan, dapat masayang-masaya kapag umuwi sila. Kasi ang feeling ko dapat extension ka ng kanilang hapag-kainan," ayon kay Kuya Wil.

Masaya si Atty. Gozon sa muling pagpirma ni Kuya Wil ng kontrata. "Ako nama'y natutuwa na nag-renew siya ng contract."

Ayon naman kay Mr. Duavit, "Well tayo naman grateful din na 'yan ang pakiramdam, tingin at turing ni Willie sa atin. Tayo ay nasisiyahan na second home ni Willie ang GMA at sa renewal naman, makakaasa siya sa hinaharap ng suporta, ng tulong."

"In fact we're looking at what we can do with Willie more frequently sa international naman," ayon pa kay Duavit.

Buo naman ang suporta ng "team Wowowin" sa pagpirma ni Kuya Wil, dahil present din sa contract signing ang mga co-host na sina Jannie Alipo-on, Sugar Mercado at Patricia Tumulak, at kilalang composers na sina Lito Camo at Vehnee Saturno.-- FRJ, GMA News