Matapos mag-hit sa mga manonood at mag-trend sa social media, si Happylou, may Season 2! 

Malaki ang pasasalamat ng "Inday Will Always Love You" cast na sina Barbie Forteza, Gladys Reyes, Juancho Trivino at iba pa sa ibinibigay na suporta sa kanila ng fans.

"Sa ngayon po kasi, ang isa sa mga pinakamayamang lechonero ay naghirap na dahil kay Amanda. So abangan niyo kung tuluyan na bang magtatagumpay ang sama ni Amanda or kung yayaman ba kami ulit, kung meron bang tutulong sa amin at siyempre marami po kaming guests na kailangan niyong abangan," sabi ni "Happylou" Barbie sa press conference ng programa nitong Huwebes sa GMA Network.

Natutuwa rin ang beterang aktres na si Gladys Reyes dahil halo ang reaksyon sa kanya ng mga televiewers.

"Mixed reactions actually. 'Yong sasabihin nila 'Huwag niyo naman po masyadong sinasaktan si Inday' pero 'Okay lang 'yan Amanda.' Nakakatuwa kasi parang ngayon lang yata ako na, alam mo 'yon, 'yong nagagalit sila na natatawa at the same time do'n sa character ko bilang si Amanda."

"Tinatawag nila ako ng kung anu-ano. #Amandarigma, #Amandarugas, mga gano'n. So nakakatuwa kasi 'yong mga eksena... Maraming kapalpakan na at the same time hindi ganon ka-black 'yong character ni Amanda. Matatawa ka pa rin sa kaniya dahil do'n sa mga sitwasyon," dagdag ni Gladys.

Ayon kay Gladys, binali niya ang kadalasang kontrabida character na pino-portray niya sa mga teleserye at nilagyan niya ng kakaibang atake.

Ang best friend ni Happylou na si Kimberlou, na ginagampanan ni Super Tekla, nali-link naman ngayon kay Frank (Kimpoy Feliciano).

"Mahusay si Kimpoy, talagang may chemistry. Nakakatuwa lang kasi... minsan nag-te-take two, take three kami kasi tawa siya nang tawa," sabi ni Tekla.

"Na-e-excite po ako 'pag nalalaman kong may mga scenes kami... sobrang galing din po ng mga writer namin na kuhang-kuha po 'yong mga, talagang iisipin mo na sasabihin ni Tekla," ayon naman kay Kimpoy.

"Ako po nagiging natural na po sa akin 'pag nasa eksena kayo parang natatawa na kinikilig kasi sobrang galing po ni Tekla umarte," dagdag ni Kimpoy.

Si Juancho Trivino na ginagampanan ang role ni Ernest, best friend ni Happylou, tila patuloy pa rin na umaasa na mahuhulog ang dalaga.

"Base sa kuwento, puwede pang magkatuluyan kami ni Happylou," sabi ni Juancho.

"I'm still very happy kahit anong roles ang ipagawa sa akin. Gagawin ko pa rin ang best ko," ayon pa kay Juancho.

 

Magiging guests ang iba pang stars na sina Jean Garcia, Kyline Alcantara, at Kim Domingo.

Matapos makuha ni Amanda (Gladys) ang lahat ng ari-arian ni Philip (Ricky Davao), bumalik na si Happylou at ang kaniyang pamilya sa Maynila para magsimula ulit. Sa kanilang pagkakahiwalay, matatagpuang muli ni Philip ang kaniyang nakarelasyon noon na si Florence (Jean Garcia). Tutulungan ni Florence si Philip sa bagong negosyo, pero magseselos si Martha (Manilyn Reynes). Dito mabubuo ang isang love triangle.

Samantala, inilahad naman ni Kimberlou na hindi alam ng kaniyang ina na isa siyang bading. Sa kanilang pagkikitang muli ng kaniyang ina, kukumbinsihin ni Kimberlou si Happylou na maging girlfriend nito.

Dahil sa pananaksak na natamo ni Happylou, mapapagtanto ni Patrick (Derrick Monasterio) na mas lalo lamang mapapahamak ang buhay ng dalaga sa kaniyang inang si Amanda, kaya magdidesisyon siyang unti-unting lumayo. — AT, GMA News