Kabilang ang mga Kapuso child star na sina Bae-by Baste at Yuan 'Pao Pao' Francisco, sa mga Kapuso celebrities na wagi sa Comguild Awards 2018.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes,  itinanghal na "Most Admired Child Endorsers" sina Baste at Pao Pao'.

"Thank you po sa lahat ng nag-support sa akin. Thank you po, Comguild sa award ko po," sabi ni Baste.

Sabi naman ni Pao Pao, " Sana po 'di po kayo magsawa na manood ng lahat ng palabas ng GMA po."

Pasigaw pa niyang pahabol, "Pareng Baste! Panalo tayo!"

Labis naman ang tuwan ng Ultimate Star Jennylyn Mercado na siyang tumanggap ng "Female Endorser of the Year" Award.

Unang pagkakataon daw ito na tumanggap siya ng award bilang isang endorser.

"Gusto kong magpasalamat sa lahat ng sumusuporta sa akin siyempre 'yung mga brand na nagtitiwala sa 'kin ngayong taon na 'to. Sana madagdagan pa next year," natutuwa niyang sabi.

Ang pamilya Dantes nina Dingdong, Marian at Zia, ang kinilalang "Most Admired Family Endorser."

Nakuha rin ni Marian ang pagkilala bilang "Advertisers Friendly Female Host."

"Most Loved Female Endorser" naman si Maine Mendoza, at "Advertisers Friendly Morning Show" ang "Unang Hirit.

Ang GMA Network ang nakatanggap ng pinakamataas na parangal na "Advertisers Friendly Network."

Samantala, kinilala rin ang ilang GMA show at personalities sa 8th Makatao Awards for Media Excellence ng People Management Association of the Philippines o PMAP.

Best Radio News Program Anchor para sa radio DZBB ang "24 Oras" anchor na si Mike Enriquez.

Hinirang namang Best Public Affairs Host for TV si Kara David, habang Best Public Affairs Program for TV ang "Kapuso Mo, Jessica Soho."-- FRJ, GMA News