Hindi napigilan ng Kapuso leading man na si Alden Richards na hindi maiyak nang ipakita ang video nang pagsisimula niya sa showbiz.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing paulit-ulit ang pasasalamat ni Alden sa sorpresang inihanda ng fans para sa kaniyang 8th anniversary sa showbiz.

Nang ipakita ang video ng mga pinagdaan ng Pambansang Bae bago niya narating ang tagumpay, hindi napigilan ni Alden na maiyak.

Ang mga hamon na pinagdaanan ang naging puhunan daw niya para matupad ang kaniyang mga pangarap.

"Roller coaster for me in terms of everything; experiences, emotions, mga blessings, mga downfall, ganyan. Pero parang mas na appreciate ko yung mga bagay na nangyari sa buhay ko kasi kung hindi naman dahil dun wala naman si alden richards ngayon," sabi ng aktor.

Unang napanood si Alden sa Kapuso series na "Alakdana," at nakilala bilang si Tisoy sa "One True Love."

Gumanap din siya bilang si Jose Rizal sa "Ilustrado," at naging leading man ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa "Carmela."

Hanggang sa pumihit ang tadhana at nabuo ang AlDub loveteam nila ni Phenomenon star Maine Mendoza sa kalyeserye ng "Eat Bulaga."

Naging makabuluhan din ang kaniyang pagganap bilang si Boni Ilagan sa martial law docudrama na "Alaala," na nanalo ng Silver Medal Award sa prestihiyosong New York Film Festival.

Kamakailan lang, natupad din ni Alden ang pangarap na maging superhero sa kaniyang pagganap bilang si Hammerman sa "Victor Magtanggol."

Ang dalawang milestones daw na labis niyang ipinagpapasalamat sa kaniyang career, "First niya yung napasok ako sa GMA to be a Kapuso and then yung second is to be a Dabarkads [sa Eat Bulaga].--FRJ, GMA News