Inihayag ni Kapuso star David Licauco na noong bata pa siya, interesado siya sa politika at mga usaping panlipunan, kaya pinangarap niyang maging alkalde.

"Honestly when I was younger, ang dream ko is to become a mayor. Sabi ko sa sarili ko, 'Gusto kong maging mayor.' I came from Bicol kasi, meron din akong mga relatives na into politics doon, pero never naman akong nakialam," kuwento ni David sa story conference ng "TODA One I Love" kamakailan.

Ayon pa kay David, binansagan pa siyang "Mr. Social Studies" ng mga kaibigan dahil sa interes niya sa mga ganitong usapin.

"Yes kasi growing up, I was called na parang 'Mr. Social Studies' sa school, kasi super interested talaga ako when it comes to, alam mo 'yun, 'yung mga Jose Rizal, mga Philippine history, Asian history. So I super appreciated those lessons. I came to a conclusion to me na what if ang maging path ko in the future is to become a mayor. 'Yun ang sabi ko."

"Pero siyempre, maraming nangyayari sa life natin na baka maging iba. Maybe next time after showbiz, we'll see," paglilinaw ni David.

Tinanong din ang aktor kung bukas ba siyang pumasok sa politika.

"Well, I think showbiz can be a good platform or a stepping stone for me to enter that industry," sabi ni David.

Gaganap si David bilang si Kobe sa "TODA One I Love" na isang upcoming Kapuso series sa ilalim ng produksyon ng GMA News and Public Affairs.

Una nang sinabi ni David na iikot ang istorya tungkol sa Tricycle Operators and Drivers' Association (TODA) at kung paano mabubuo ang kilig nina Gelay (Kylie) at Emong (Ruru).

Si Kobe ang makakaagaw ni Emong sa pag-ibig sa dalaga.

Masaya rin si David na bukod sa kilig at tawanan, may aral din tungkol sa tamang pagboto ang show.

"I guess 'yun 'yung kailangan naming mapakita sa mga audience, ma-influence sila na bumoto ng tamang iboto na politicians," anang aktor. —LBG, GMA News