Muling gaganap bilang isang antagonist sa bagong Kapuso series na "TODA One I Love," sinagot ng beteranang aktres na si Gladys Reyes ang tanong kung hindi pa siya nagsasawang "magpasabog" sa pagiging kontrabida.

"Ay hindi! Ako hindi ako magsasawa hangga't gusto ng mga manonood 'di ba, na magpasabog ako!" natatawa sabi ni Gladys sa story conference ng programa kamakailan.

Gagampanan ni Gladys ang karakter ni Mayor Dyna Ty, ina ni Kobe (David Licauco) at miyembro ng isang mayamang political family sa kanilang bayan.

Definitely na-e-excite ako na from Amanda, 'yung role ko sa 'Inday Will Always Love You,' ito naman to Mayor Dyna. So ano na naman ang magiging tagline ni mayor Dyna this time? Ano na naman ang pasabog niya? Ano na naman ang ipapauso niya. 'Yun ang medyo challenge sa akin ngayon."

Matatandaang intense ang mga pasabog ni Gladys bilang si Amanda sa IWALY, tulad ng mga pagpapahirap niya kay Happylou, pagpeke ng sarili niyang ambush, at palagi niyang pagtutok ng baril para makuha niya ang kaniyang mga gusto.

Excited naman si Gladys sa kaniyang mga makakasama sa bagong series.

"Nako siyempre masayang masaya ako 'di ba? And not to mention, ang mga kasama namin dito eh almost mga kasama rin namin sa Inday Will Always Love You. So excited ako. Director, staff, pati na rin 'yung some of the cast. So looking forward and, kasi alam ko masaya na naman 'to, 'di ba?"

"Hindi lang namin sila pasasayahin, 'yung bawat pamilya makaka-relate lalo na 'yung mga character na gagampanan namin," dagdag pa ni Gladys.

Tatalakay sa issue ng eleksyon at ng tamang pagboto, ang series ay sa ilalim ng produksyon ng GMA News and Public Affairs.

"Napapanahon, na para tulungan silang mamili talaga, at malaman nila 'yung totoo talaga na magmamalasakit, siyempre sa bayan natin na mga public servants. Ika nga hindi lang 'yung nararamdaman mo sila tuwing eleksyon kundi lalo na after the election. So sa programang ito, eye opener kumbaga du'n sa mga botante natin, na I'm sure magiging malaking tulong," sabi ni Gladys. —LBG, GMA News