Ngayong taon ay magiging espesyal daw ang Christmas celebration ni Glaiza de Castro dahil kompleto ang kaniyang pamilya at magkakasama-sama sila sa bagong niyang bahay sa Baler, Aurora.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing naging kapansin-pansin ang madalas na pagpo-post ni Glaiza sa Instagram ng kaniyang beach photos na kuha pala sa Baler.

Palagi raw sa Baler si Glaiza matapos na makabili doon ng property na bunga raw ng kaniyang pinaghirapan sa showbiz.

Dahil malaki ang bahay, nagpagawa siya ng mga dagdag na kuwarto na maaaring rentahan ng mga turista na tinawag niyang Casa Galura.

"Malapit din yung puso ko sa dagat so masaya ako na may ganung klase na dumadating na blessings," saad ng aktres.

Ngayong Pasko, sa Baler daw sila magdidiwang ang kaniyang pamilya at labis ang saya ni Glaiza dahil kompleto sila.

"Kasi nung mga nakaraang taon, yung ate ko nasa Abu Dhabi, yung iba nasa Dipolog. So ngayon lahat kami nandito na sa Pilipinas tapos dun kami mag-i-spend sa house namin sa Baler," masaya niyang pahayag.-- FRJ, GMA News