Bagaman malungkot sa nalalapit na pagtatapos ng pinagbibidahan niyang Kapuso drama series na "Onanay," masaya pa rin si Jo Berry dahil maihahandog niya sa kaniyang pamilya ang mga kinita niya sa programa ngayong Pasko.

Sa panayam ng mga GMA reporters nitong Huwebes, ikinuwento ni Jo na nakiusap siya sa kaniyang pamilya na siya naman ang totoka sa paghahanda para sa Pasko.

"Pinakiusap ko sa family ko na ako 'yung magpe-prep ngayon sa Christmas. Kumbaga galing sa kinita ko sa 'Onanay' 'yung igi-gift namin ngayon, sa ibang gifts, 'yung handa po. Ako 'yung magpo-provide. So very happy po ako doon. Ang sarap sa feeling kasi pinaghirapan ko po 'yon tapos ibibigay ko sa family ko," anang aktres.

Kasama rin sa ni Jo na maglaan din ng panahon sa kaniyang mga kaibigan na hindi niya nakakasama dahil sa trabaho.

"Tipikal pa rin po eh, with the family. And kung kaya rin, with friends, kasi po matagal-tagal na akong hindi nakapag-spend ng time with them dahil nga sa 'Onanay,'" saad niya.

Sa pagtatapos ng "Onanay," sinabi ni Jo na parang pamilya na ang turingan ng mga cast at staff kapag nasa set kaya nalulungkot siya kapag wala na silang taping.

"Mas nagiging close po lahat. Cast, staff, lahat po, pamilya po talaga sa set. Inaalagaan po nila ako nang sobra," ayon kay Jo.

Sa nalalapit na pagtatapos ng programa, may mabibigat daw na ipagtatapat ang karakter niyang si Onay.

"Kay Onay po marami pa kayong aabangan kasi may mga revelations na mabibigat. Soon po 'yan," ayon pa kay Jo.

Sa naturang series, kinuha ni Maila ang alok ng isang talent recruiter na mag-abroad sa hangarin niyang isalba ang pamilya sa kahirapan. Pero kailangan muna niyang sumabak sa audition sa isang bar.

Ang hindi niya alam, isang panganib pala ang nakaambang. Paano kaya ito lulutasin ni Onay?

-- FRJ, GMA News