Hindi itinago ng beauty queen na si Melanie Marquez na naiiyak siya kapag hinuhusgahan siya ng ilang tao tungkol sa pag-ibig, lalo pa't magkakaiba ang ama ng kaniyang mga anak.

"Minsan akong umiyak, noong umibig ako napakababaw," pag-amin ni Melanie sa programang "Mars."

"Ang pag-iyak ko kasi, sa akin, 'yung 'pag hinusgahan mo na ang pagkatao ko, na tanga daw ako pagdating sa pag-ibig. But they don't know na nakaka... Actually I learned many things from all my mistakes," dagdag pa ni Miss International 1979.

May anim na anak si Melanie sa kaniyang mga nakarelasyon: si Miguelito mula kay Lito Lapid; Mazen mula sa isang Arab businessman; Michelle Sarah at Maxene Xuxa mula kay Derek Dee; at Adam at Abraham mula sa kasalukuyan niyang asawang si Adam Lawyer.

Dinaan din ni Melanie sa pabiro ang kaniyang pinagdaanan.

"But one thing I thanked God, lahat ng mistakes ko, pinanindigan ko, hindi ko kinahiya 'yung magkaroon ng anak sa mga iba-ibang tatay nila na nationality 'di ba? Pero at least consistent ako sa titulo ko rin, Miss International," saad niya.

Ayon pa sa aktres at celebrity endorser, hindi na baleng siya ang masaktan, huwag lang ang kaniyang mga anak.

"Nakakaiyak nga lang kapag nahusgahan ka na hindi ka nila kilala. Pero ang importante sa akin, wala akong tinapakan. Wala akong ginamit, wala akong pinaiyak. Hindi bale na akong paiyakin 'wag lang ang mga anak ko," sabi pa ni Melanie.-- FRJ, GMA News