Nagkuwento ang Kapuso star na si Kylie Padilla ng ilang detalye tungkol sa kanilang naging mala-fairy tale wedding ni Aljur Abrenica na wala pa raw isang buwan ang ginawa nilang paghahanda.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ang tula na naging bahagi ng kasal ay isinulat ng contemporary poet na si Lang Leav.

Personal daw na isinulat ni Leav ang tula para kina Kylie at Aljur na sumasalamin umano sa mga pinagdaanan ng kanilang relasyon sa loob ng walong taon.

"Napag-usapan namin na hindi mo makakalimutan yung sarili mo. Hindi ko makakalimutan yung sarili ko. But we're still gonna fight for this," sabi ni Kylie tungkol sa pakikipaglaban nila ni Aljur sa kanilang pagmamahalan.

Ipinaliwanag din ni Kylie ang tungkol sa romantic post niya isang araw bago ang kasal na may bahagi na nagsasaad na, "God has not abandoned me. God has saved me time and time again, by giving me you."

"Kasi ever since may pagka-rebellious talaga ako and everybody knows that...may pagka-wild. Gusto kong maging free. I have a freedom tattoo. I guess I was in search of something. I don't know. Tapos laging nauuwi [ako] sa kaniya," anang aktres.

Emosyonal ang mga dumalo sa kasal, kabilang ang mga magulang ni Kylie na sina Robin Padilla at Leizel Sycangco na naghatid sa kaniya sa altar.

"Medyo over the top pero dream wedding ko siya," masayang sabi ni Kylie. "When I thought about how do I want to get married yung unang pumasok kanta eh. Ito yung gusto kong marinig and nag-breed na siya out of that."

Tatlong linggo lang daw ang nailaan nilang oras para planuhin ang kasal na dinaluhan ng nasa 70 malalapit na kaibigan at pamilya.

Wala rin daw makakatumbas ang mga paalala ng kanilang mga magulang bago ang wedding march.

"It's good kasi ibibigay na namin kay God yung relationship namin. But 'di dun natatapos sabi nila, 'You still have to work on it. It's still a marriage.' Kaya 'pag sinasabing happy ending, parang sabi ko no. its only just the beginning," saad niya. --FRJ, GMA News