Inihayag ni Barbie Forteza ang kaniyang wish ngayong Pasko kasama na ang "stability" sa personal life at huwag sanang tumaba.

"Stability na lang siguro for my career and personal life, and good health," sabi ni Barbie sa Noel Bazaar 2018 sa SMX Convention Center sa Pasay City.

"Sana lang magtuloy-tuloy 'yung pagiging stable ng personal life ko. Sana lagi akong masaya, sana 'yung work ko tuloy-tuloy. Not necessarily kailangan ko like, sobrang lalaki talagang opportunities. Gusto ko andito lang ako," dagdag ng aktres.

Matapos ang "Inday Will Always Love You," mayroon ulit panibagong Kapuso series si Barbie sa 2019 na pinamagatang "Kara Mia."

"'Yon ang ginagawa namin ngayon. Kaya medyo busy ang Christmas month ko," pahayag ng aktres.

At dahil busy sa kapaskuhan, hiling din ni Barbie na sana'y magkaroon siya ng oras sa pamilya, at hindi tumaba.

"Christmas wish ko, siguro more time with my family and sana hindi ako tumaba. Parang wish naman yata ng lahat 'yon," natatawa niyang sabi.

Kasama raw niyang magdidiwang ng Christmas ang kaniyang kasintahan na si Jak Roberto.

"Uwi sa mga kaniya-kaniyang bahay. Pagsalubong, ang noche buena and media noche, sa kanila kami. And then on the exact day of Christmas and New Year, sa family ko naman," anang aktres.

Bahagi rin si Barbie ng pagbubukas ng Noel Bazaar 2018 sa SMX Convention Center sa Pasay City, kabilang ang balloon-popping.

 



""Napaka-overwhelming ng feeling, and first time kong mag-balloon popping instead of ribbon cutting. Nakakatawa 'di ba?!! 'Yon, na-enjoy ko 'yon!"

Bukod dito, naipa-auction pa niya ang kaniyang dress sa halagang P1,300.
 



"Meron akong mga trademark na damit na kapag may bumili ng mga damit ko, alam kong akin 'yon, 'yung gano'n. Alam nilang very Barbie 'yung gano'n. So nakakatuwa kasi may mga gustong bumili ng mga damit ko, and naishe-share ko rin kahit paano 'yung mga memories ko ng mga damit kong 'yon sa kanila," sabi ni Barbie.-- FRJ, GMA News