Ipinakita ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes na sa likod ng mga maaaksyong eksenang ginagawa nila sa "Cain at Abel," kasama rin nito ang pagsusugal ng kanilang buhay, lalo na ng mga stuntman.

Sa official blog ng pamilya Dantes na The Dantes Squad, unang ipinasilip ni Dingdong ang eksena kung saan siya ay akmang kukuyugin ng mga lalaki. Pag-amin ni Dingdong, hiningal siya sa dalawang oras na shoot, na ipalalabas lamang ng tatlong minuto sa TV.

Sunod niyang ipinakita ang sagupaan nila ni Dennis Trillo sa Tondo, Maynila, na may kasama nang barilan at pagtalon sa mga rooftop.

Sa dulo, ipinasilip ni Dingdong ang eksena na kailangan nilang padausdusin at pasabugin ang isang kotse na kunwari'y minamaneho ni Dennis.

Makikitang hiniling ni Dingdong na mag-ingat ang stunt driver, na kailangang manatili sa loob ng kotse habang nasa ere ito at nagpapaikot-ikot sa kalsada.

"Ingat lang ah. Ingat, ingat. Good luck, good luck. Will pray for you." — Jamil Santos/MDM, GMA News