Inihayag nina Bianca Umali at Miguel Tanfelix na hindi naging madali ang kanilang paghahanda para sa upcoming series nila na "Sahaya." Pero bago nito, gaganap munang superhero si Bianca sa isang episode ng "Daig Kayo Ng Lola Ko."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ang taping para sa pambatang top-rating weekend series "Daig Kayo Ng Lola Ko" ang unang araw na pagsabak sa trabaho nina Bianca at Miguel.

Kuwento ni Bianca, gaganap siyang superhero sa naturang episode ng programang kinagigiliwan ng mga bata na may titulong "Super Ging at Ang Puso ng Saging."

"Ako si Ging-ging at ako pa ang magiging superhero dahil sa puso ng saging," saad ng aktres.

"About po ito sa isang dalaga na naging superhero.  Tapos ako, gusto kong makita 'yung superhero na 'yon. Gusto kong makilala 'yung superhero na 'yon, not knowing na 'yun pala 'yung kaibigan ko," kuwento naman ni Miguel.

Hindi naman naiwasan ni Miguel na magbalik-tanaw sa dating soap nila ni Bianca na "Once Upon A Kiss"  sa istorya ng "Super Ging at Ang Puso ng Saging" dahil sa ilang pagkakatulad ng istorya.

"Yung story nito parang naaalala ko si Prince and Ella sa 'Once Upon A Kiss' before, nu'ng 16 and 15 years old [kami]. Dahil si Bianca dito nagtitinda po ng turon din kaya mga memories na bumabalik po sa 'kin," kuwento ng binata.

Itinuturing nina Bianca at Miguel na parang warm-up ang taping nila sa "Daig Kayo ng Lola Ko" para sa mas mabigat na shoot nila sa padating nilang teleserye na "Sahaya."

WATCH: Sahaya, TODA One I love, mga Kapuso primetime shows na dapat abangan sa 2019

Aminado ang dalawa na hindi madali ang pagsasanay nila sa free diving na kailangan nilang gawin para sa karakter na kanilang gagampanan sa serye.

"Una siyempre medyo mahihirapan po kayo and masakit sa tenga kasi 'yung pressure under water. Pero kailangan po ng practice, kailangn po ng knowledge about sa free diving," ayon kay Miguel.

"Nagsu-scuba diving po ako pero, 'yung mag-free diving, hindi ko pa po... ginawa ko siya for fun pero hindi ko po inakala na dadating po ako sa point na kakailanganin ko pa siyang gawin," saad naman ni Bianca.-- FRJ, GMA News