Napasabak sa iba't ibang training at workshop ang mga bida ng upcoming Kapuso series na "Sahaya." Ang pangunahing tauhan sa serye na si Bianca Umali na gaganap na Badjao, hindi lang daw paglangoy at pagsisid ang pinag-aralan.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing bukod sa pagtalakay ng kultura ng mga Badjao at pagiging isang babae sa ating lipunan, iba't ibang pagsubok ang haharapin ng karakter ni Bianca.

Kabilang dito ang pagiging isang sea-dweller na taga-Mindanao na mapapadpad sa Maynila dahil sa kakaibang twist ng istorya.

Maliban sa pagsasanay sa paglangoy at pagsisid sa ilalim ng dagat, sinabi ni Bianca na pinag-aralan din niya ang salita at kultura ng Badjao.

Makakasama ni Bianca sa serye sina Miguel Tanfelix, Migo Adecer, Ana Roces, Ashley Ortega at Jasmine Curtis.

Nandoon din ang mga batikang artista na sina Pen Medina, Zoren Legaspi, Eric Quizon at Ana Capri.

Mapapanood ng "Sahaya" sa first quarter ng 2019.-- FRJ, GMA News