Nagpaliwanag ang Kapuso star na si Janine Gutierrez tungkol sa tunay na estado ng relasyon nila ng aktor na si Rayver Cruz. At kung bakit tila wala pa rin itong "label" kahit pa madalas na makita sa mga larawan na magkasama sila.

Sa panayam sa kaniya ng entertainment press sa media conference ng pelikulang "Elise" nitong Miyerkoles, nagkuwento si Janine tungkol sa bakasyon ng kaniyang pamilya sa U.S. kamakailan, kung saan nakasama si Rayver.
 



"Actually, mas masaya kasi nakasama siya (Rayver)," natatawang sabi ni Janine.

"Nanood kami ng basketball, ng NBA, kasi pareho kaming super fan ng Lakers, 'yung daddy ko, 'yung mga kapatid ko, Lakers talaga. Nag-Disneyland kami, sobrang 'yung mga pangturista talaga na ganap sa LA. Tapos kumain nang kumain ng mga kung anu-anong wala dito," dagdag pa niya.

Maging ang kaniyang kapatid na si Diego ay natutuwa rin umano kay Rayver dahil nagkaroon ito ng "kuya."

"Nakakatuwa kasi isa lang 'yung kapatid ko na lalaki. So ngayon nagkaroon siya ng parang, kuya-kuya, 'yung brother ko."

Matapos nito, tinanong si Janine kung ilang taon na silang nagsasama bilang "magkasintahan" ni Rayver, at kung bakit ayaw pa nilang gawing pormal ang kanilang pagsasama.

"Wala pa, wala pa po actually... Oh my gosh! Wala pa.. Well I guess wala na naman pong hadlang."

Tinanong sila kung sila na ba. "Hindi pa, hindi pa."

Inamin ng aktres na nagdadahan-dahan muna siya para maiwasang masaktang muli.

"Well dati kasi noong una, I guess medyo, nu'ng una kasi parang pinipigilan ko lang na maging masyadong seryoso ulit, kasi nga 'yung mga experiences ko in the past. Pero ngayon, wala na actually na rason para hindi.." sabi ni Janine.

SPECIAL SA PUSO

Kaya wala pa naman daw silang anniversary.

"Well honestly, hindi pa po kasi, wala pa po kaming date or anniversary, wala pa talagang official na ganoon pero...," bitin niyang sabi habang tumatawa.

Pero aminado si Janine na "special" si Rayver sa kaniyang puso.

Mas pabor daw kay Janine na wala munang label ang pagsasama nila ni Rayver.

"Well wala po kasi talagang labels eh, parang naging mas madali din para sa akin na wala munang pagpapaliwanag, wala munang label... Well I guess hindi naman po kasi kami nagmamadali or wala namang hinahabol na kahit ano, sobrang busy din talaga siya ngayon."

"Mas importante 'yung kung paano kayo together kaysa du'n sa label. Kasi meron namang mag-official na boyfriend-girlfriend tapos ang sama-sama ng mga naririnig mo or hindi hindi sila masaya. At least with my set-up, parang nagkakaintindihan kami, happy kami. Pareho kaming busy kapag may time, nagkikita kami. Simple lang, simple lang," paliwanag pa niya.

Ayon pa kay Janine, gusto rin niyang lumago pa ang kaniyang career.

"Noong una opo, noong una ayoko talagang munang maging seryoso sa relationship. Gusto ko talaga i-prioritize 'yung career ko, hanggang sa tumagal. Pero right now, wala na din talagang reason para hindi pa..."

Paano raw kung dumating ang oras na mangulit si Rayver tungkol sa kanilang status.

"Actually hindi naman niya ako tinatanong, parang happy naman siya."

Masaya naman si Janine na tila may closeness na sa pagitan ng kaniyang mga magulang at ni Rayver.

"Actually, ang tawag nga niya sa papa ko, kuya Mon, kasi ang tawag din niya sa mama ko ate Lot. So nu'ng una medyo na weird-an ako kasi, 'di ba dapat tito, pero kasi nga nakilala niya 'yung mga magulang ko bago niya ako makilala eh. So parang meron din silang vibe na, siyempre nandu'n 'yung respeto, pero kaya din nilang mag-usap na parang barka-barkada."

Ngunit pagdating sa pagpapakilala niya kay Rayver sa kaniyang pamilya, wala naman siyang kung anong tinatawag dito.

"Si Rayver! Si Rayver. Wala nang introduction. Pakilala lang, wala nang adjectives. Adjective ba tawag du'n?-- FRJ, GMA News