Bukod sa isang pelikula, magkakaroon ng upcoming Kapuso series si Janine Gutierrez na pinamagatang "Dragon Lady".

Sa ulat ni Lhar Santiago sa 24 Oras sa GMA News nitong Biyernes, dito sa teleserye na ito makakasama na sa wakas ni Janine ang kanyang leading man na si Tom Rodriguez.

Parang nahihiya naman ang naging reaksyon ni Tom matapos harap-harapang sabihan siya ni Janine na siya ang dream leading man niya.

Inamin ni Janine, "Ever since I started tinatanong kung sino dream kong makatrabaho. I always mention you. So, I'm so happy talaga na finally ito na, parang this is on my bucket list talaga."

"Grabe naman, that ano. (laughs) Hindi na ko makakapagsalita sa buong interview," sabi ni Tom.

Sina Tom at Janine ang bibida sa pinakabagong teleserye ng GMA, ang "Dragon Lady."

Excited na sina Janine at Tom dahil parehong kakaiba ang kanilang gagampanang mga roles.

Pinaghahandaan na nila ang "Dragon Lady" ng mabuti lalo na't nakatakda na silang magsimulang mag-taping sa susunod na linggo.

Nagkaroon na sila nitong Biyernes ng familiarity workshop kasama ang dalawa pa nilang co-stars na sina Edgar Allan Guzman at Joyce Ching.

Hindi lang TV ang pinagkakaabalahan ni Janine ngayon dahil ipapalabas na ang una niyang pelikula sa Regal Entertainment, ang "Elise". Title role mismo si Janine sa rom-com film na ito.

"Tungkol po siya sa first love, and alam naman nating lahat na 'yung first love, 'di ba, talagang hay, hindi mo talaga maipaliwanag," aniya.

Natutuwa din si Janine sa karakter na ginampanan niya. Si Elise daw kasi ay ang babaeng hindi nagpapaapi lalo na sa pag-ibig. Ito ang nais ni Janine, na gumanap bilang isang empowered woman.

"Si Elise kasi medyo bully. Siya 'yung parang brusko, matapang, very boyish, 'yung palaban na girl," paliwanag ni Janine. —Kaela Malig/KG, GMA News