Nakipiyesta at nakisaya ang mga Kapuso star sa Sinulog Festival sa Cebu nitong nakaraang linggo. Hindi rin pinalampas ng mga bida ng "Cain at Abel," "Inagaw na Bituin," at "Kara Mia" ang pagkakataon na makipag-bonding sa kanilang fans.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mainit na sinalubong ng mga Kapusong Cebuano ang cast ng primetime series na "Cain at Abel" na sina Dingdong Dantes, Dennis Trillo, Solenn Heussaff at Sanya Lopez, na sumakay sa Sinulog float parade.

Kahit inabot ng gabi ang parada, labis na nag-enjoy pa rin ang apat, na nagtungo rin Kapuso sa mall show sa Talisay City at mall show sa Cebu City.

Bukod sa kanila, naki-join din sina Kyline Alcantara at Therese Malvar ng "Inagaw na Bituin" sa isa pang mall show.

Kasama nila ang cast ng inaabangang Kapuso serye na "Kara Mia" na sina Barbie forteza, Mika dela Cruz, Jak Roberto at Paul Salas, na nakibonding din sa mga Kapusong Cebuano.

Samantala, sa Tarlac City naman nakisaya ang cast ng "My Special Tatay" sa Kaisa Festival na sina Ken Chan, Rita Daniela, Bruno Gabriel, at Jillian Ward.

Game silang lumibot sa mga kalye sa siyudad habang sakay ng float.

Tuloy-tuloy na ang kanilang pagpapasaya sa Kapuso meet and greet sa isang mall pagkatapos ng parada.

Sa Lipa, Batangas naman, naki-join din sa Lipa City fiesta ang cast ng upcoming Kapuso series na "Sahaya," na sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix.

Todo-sigawan naman ang mga Kapusong Batangueño sa kanilang performances at pagpapakilig.

Nasaksihan din ang all-out performances nina Ashley Ortega at Migo Adecer.--Jamil Santos/FRJ, GMA News