Matinding preparasyon ang pinagdadaanan nina Bianca Umali at Miguel Tanfelix para sa kanilang upcoming series na "Sahaya."

Sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, makikita ang masusing rehearsals nina Bianca at Miguel sa pag-aaral nila ng Pang-alay, na uri ng sayaw sa Sulu archipelago.

Detalyado anila ang galaw ng sayaw, na bahagi ng kultura ng mga Badjao, Tausug, Jama Mapun, pati ng mga Yakan sa Basilan.

"It looks easy, but it's really not. We really don't treat it as a dance, it's actually a prayer," ayon kay Bianca.

Bukod dito, kailangan na rin nilang matuto ng free diving.

"Siyempre may fear ng konti sa una, pero siya (Bianca) wala eh. Siya na-try na niya sa open water, ako hindi pa eh," ayon kay Miguel.

Masusing dadaan sa research mula sa pananamit, galaw, pati na sa lenggwahe ang pagtuturo ng mga kultura ng mga Badjao sa telebisyon.

"Accessories, costumes, props na talagang makatotohanan at talagang galing doon sa kultura ng mga Sama Dilaut, kailangan meron silang kaunting alam na Sama, Sinama language para din maramdaman 'yung pagiging Sama Dilaut nila or Badjao," sabi ni Nanette Matilac, consultant ng Sahaya.

Samantala, nasasabik na rin si Jasmine Curtis-Smith na matutunan ang role niya sa "Sahaya," na gaganap bilang ina ni Bianca.

"Exciting definitely kasi you really have to be specific sa mga information or facts na ibibigay natin sa story and kung paano ko rin siya ipo-portray," ayon kay Jasmine. —Jamil Santos/JST, GMA News